Sangkomunidad

HUNTAHAN

HOME
HUNTAHAN
TAMPOK
AMBAG-AKDA
BATANG-SINING
RETRATUHAN
SANGAY PAMPANITIKAN
CCP HOMEPAGE
LINKS

Tapok at Banlik...

Pero sa ilan, mga tao ang kanilang binanggit na ililigtas. Sa kanila, hindi mahalaga na “ano” ang tanong namin, kundi “sino” ang ililigtas nila. Mula sa mga sagot na damit, pagkain, notebook, telebisyon, at pridyider, lumabas ang pangalan ng kanilang lolo’t lola, tatay, nanay, kapatid, at pamangkin. 

 

Hanggang ngayon, hindi mawala sa isip ni May kung paanong nakabitaw ang lola niya sa kanyang kamay noong tinatangay sila ng rumaragasang agos. Hindi na nakita pa ang lola niya, nalibing sa natuyong banlik sa kung saan. At si May, hindi niya mapatawad ang sarili na hindi niya nailigtas ang lola niya. Di lang si May ang nagbahagi nito kundi ilan pang batang pipituhin o wawaluhing gulang na pawang nakangabitaw sa mahigpit na pagkakakapit sa mga kaanak nila. Nandu’n ang masidhing pagnanais na mailigtas ang kapamilyang minamahal. Kung tutuusin, kasama sa mga karapatan ng mga batang kagaya nina May ang unang mailigtas sa panahon ng trahedya. Pero para sa mga batang kagaya nila, higit na mahalagang nailigtas nila ang mahihina na nilang lolo’t lola o ang mga nakababatang kapatid na karga-karga nila. Napag-isip-isip ko, sa panahon pala ng sakuna, nagbabagong-anyo ang mga bata. Gusto nilang maging tagapagligtas. Gaya ng napapanuod nilang cartoons sa TV na inililigtas ng superhero ang mga biktima.

 

Nang inaakala naming palagay na ang loob nila sa amin, hiniling namin sa kanila na isulat o idrowing ang naganap noong gabi ng Nobyembre 29, 2004. Naupod ang mga krayolang kulay-brown sa kanilang mga iginuhit. Nagkulay-tsokolate ang kanilang mga papel. Nagmistulang dagat iyon ng tsokolate, parang mga kumunoy na walang katapusan, inaangkin ang bawat batang nahuhulog doon.   

 

Sabi ni Raymond, nagulat na lang sila sa napakabilis na pagtaas ang tubig. Wala na silang panahon pang maka-tapok (lengguwaheng Quezon para sa ‘paglikas sa matataas na lugar’). Ang tanging nakita ng Nanay niya na mataas ay ang magkatabing puno ng abokado sa kanilang bakuran. Agad nila itong inakyat. Mahigpit na kumapit doon habang ginaw na ginaw, kasama ang isa pa niyang pamangkin. Sa kabilang puno, doon naman umakyat ang Nanay niya, ang ate niya, at isa pang pamangkin. Ngunit hindi naging mabait sa kanila ang mga punong ito. Nabali ito at sapilitang tinangay ang Nanay niya at dalawang pamangkin. Sila na lamang ng kanyang ate ang natira.

 

Nanlambot ako nang marinig ang kuwento ni Raymond. Hindi sila nailigtas ng matatayog na puno sa kanilang bakuran. Nag-uunahang pumatak ang luha sa mga mata ni Raymond sa pagkaalala sa ina at mga kalarong pamangkin. Paano pa ako kakain ng abokado gayong sa bawat pagbanggit ng prutas na ito ay ibinabalik sa aking gunita ang alaala ng pamilya ni Raymond?

             

Iisa ang hitsura ng kanilang drowing: mga bahay na nakalubog sa banlik at bubong lang ang makikita, mga taong nakatalungko sa bubungan, mga taong nakakapit sa mga sanga ng puno, mga bahay na inaanod ng rumaragasang banlik, mga nabunot na puno at troso, nalulunod na kalabaw, baboy, at aso. Nagulat pa ako dahil kahit stick figure lamang ang iginuhit ng karamihan, malinaw pa ring nakasaad doon kung ano ang kasarian o kung bata o matanda ang nakita nilang nalunod!

 

“Matandang babae po itong nalunod na ito,” sabay turo sa drowing. “Ito naman po ay batang lalaki.”

 

Sa narinig ay pilit gumagawa ng koneksyon ang aking naririnding utak. Magkaano-ano kaya ang matandang babae at batang lalaki? Maglola kaya ang dalawa? O baka wala naman talaga silang kaugnayan sa isa’t isa. Sabay lamang silang nalunod.

 

Hindi rin nakaligtas sa drowing ng mga bata ang buwan, ulan, at kidlat. Napansin ko agad ang kakaibang hitsura ng buwan. Nilagyan nila ito ng mukha. Nakalabi ang buwan!

 

“Kasi po, sobrang lungkot noong gabing ‘yon. Pulos hiyawan at iyakan ang maririnig. Maraming namatay. Maraming nawalan ng bahay. Nakakatakot ang mga troso at banlik. Parang umiiyak ang langit sa nangyari. Kaya naglagay po ako ng umiiyak na buwan.” 

 

Kakaiba rin ang sinulat na kuwento ni Jenny. Kapansin-pansin na magaling siyang humagod ng mga salita. Nang gabing ‘yon, maaga raw siyang nahiga sa kama. Masarap daw matulog dahil malakas ang ulan. Makapal na kumot ang gamit niya. Akala niya’y panaginip ngunit nagising na lang siyang mistulang dagat na ang kanyang silid. Nagkakagulo na ang kanyang buong pamilya. Nag-aapurang lumikas silang lahat patungo sa kanugnog na bundok, ingat na ingat na huwag madapa o malubog sa rumaragasang banlik. Tinapos niya ang maigsing sanaysay sa pagbanggit ng mga kaanak na nakaligtas.  

 

“Mabuti naman at nakaligtas ang buong pamilya mo sa sakuna,” sabi ko kay Jenny.

 

Hindi ko inaasahan ang tugon ni Jenny. “H-Hindi po.”  

 

Dito na unti-unting nanginig ang tinig ni Jenny. Sa paputol-putol na kuwento ay nalaman kong kasama palang inanod ang kanyang ina, at di na rin natagpuan pa. Pinalaya na niya ang luha na kanina pa pilit pinipigil.

 

Maingat ang pagkukuwento ni Jenny. Hindi niya binanggit ang kinahinatnan ng kanyang magulang. Kung ang pagbabatayan ko lamang ay ang sinulat na sanaysay ni Jenny, hindi ko iisiping may matinding nangyari sa pamilya ni Jenny. Sinadya niyang iwasan sa kanyang kuwento ang sinapit ng kanyang ina.

 

Sabi ng nanay ko, kapag sobrang masakit na raw ang nangyayari sa atin, di man sinasadya ay pilit tumatakas ang gunita. Gumagawa ito ng sariling paniniwalaan para malampasan niya ang personal na trahedya. Ayaw na ni Jenny na isiping may nawala sa kanya kaya hindi na niya ito ikinuwento pa. Pero nasukol si Jenny ng aking tanong kaya napilitan siyang magtapat. Noon lamang niya inamin ang pagkamatay ng nanay niya. Nang mga sandaling ‘yun, pakiramdam ko, napaka-pakialamero ko. Nabulabog ko nang di sinasadya ang kanyang pananahimik.     

 

Iyon din siguro ang dahilan kung bakit ang batang Frankenstein na si Bunso ay ayaw magbigay ng salaysay. Ayaw nitong magsulat ng kahit ano. “Baka puwedeng magdrowing na lamang,” payo ko pa. Pero iniwasan din nito ang mga krayolang ibinigay namin. Hinayaan na lamang namin si Bunso na sumali sa lahat ng aktibidad namin: kasali sa larong “Open the basket”, kasama ring umaawit sa kanilang “group cheer”, kasabay na kumakain ng iba pang bata, nagtataas ng kamay para sa libreng kopya ng libro matapos ang aking pagkukuwento. Kapag makakasalubong ko siya, matipid siyang ngingiti kapag binabati. Pero ang kapansin-pansin sa kanya, kung ako’y nagpapahinga sa isang sulok, basta na lamang siyang tatabi sa aking kinauupuan, hahaplusin ang aking braso, o hahawakan ang aking palad. Minsan naman, napapansin kong nakakapit siya sa kamay ng iba pang nakatatanda sa kanya.

 

Iginalang ko ang pananahimik ni Bunso. Walang kaso kung wala siyang maalala sa nangyari. May kapangyarihan naman talaga ang ating isip na limutin ang mga pangyayari na hindi nakalulugod sa atin. Hanggang sa nakita niyang nagtapat ang lahat ng kanyang kasama sa nangyari sa kanilang buhay. Nakita niya kung paanong umiyak at humagulgol ang mga kapwa bata matapos ibahagi sa grupo ang kanilang isinulat o iginuhit. Noon nagkalakas-loob si Bunso na basagin ang pananahimik.

 

Siya ang pinakahuling batang pumunta sa harap at nagkuwento ng buhay. Wala siyang artwork o sinulat na sanaysay. Pero naikuwento niya, sa pagitan ng hikbi, ang nangyari. Nagpunta sila sa Repador building sa pag-aakalang ligtas dito kasama ang kanyang tatay, isang kapatid, at lola. Bigla na lamang daw may gumuho sa loob ng building, at basta na lamang siyang tumalsik. Naiwan sa guho ng Repador ang kanyang magulang at kapatid. Hindi na niya nalaman kung ano ang nangyari sa kanila.

 

Dinugtungan na lamang ng mga guro ang nangyari kay Bunso. Kung paanong ito’y natagpuang nakaipit sa mga guho. Kung paanong inilipad ito ng helikopter patungong Maynila para operahan ang bungong nabasag. Hindi na nahukay pa sa guho ang mga mahal ni Bunso, sama-sama nang nalibing doon. Masisisi ko ba si Bunso kung waring nabura na sa kanyang gunita ang sinapit ng mga kaanak?

 

Ang dalagitang si Julie ay napaiyak din nang maalala kung paanong pagkatapos ng sakuna ay nakikipag-agawan siya sa mga relief goods na dumarating sa kanila. Walang namatay sa kanyang kapamilya. Pero nawalan sila ng bahay, nabuwag ng mga trosong humampas doon.

 

“Habol po kami ng habol sa mga trak na may dalang pagkain. Nagkakagulo po ang lahat kasi’y gutom na. Kahit po ang mga kalalakihan, di na kami iginagalang, itinutulak o hinahawi kami para lamang makakuha ng relief goods.”

 

Nandoon ang hinanakit ni Julie habang ikinukuwento ang naganap. Sa isang nagdadalagang kagaya niya, nahihiya na siya sa ginawang paghabol sa mga trak para lamang makakuha ng pagkain para sa kapamilya. Pero nagugutom sila. Naghahalo ang gutom at hiya, at si Julie ay walang magawa.     

 

Ramdam ko, nagtatapang-tapangan ang mga bata habang nagsasalaysay. Ayaw nilang umiyak. O mas dapat yatang sabihing pinipigilan nilang maiyak. Nang may magsimulang umiyak, hindi ko pinatahan ang bata. Hinayaan ko lamang siyang umiyak. Hinayaan kong tumulo ang kanilang luha para sa mga kaanak na lumisan. Sabi ko sa kanila, okey lamang umiyak. Kahit lalaki, walang kaso kung umiyak. Hindi nakakahiya ang pag-iyak. Ikinuwento ko sa kanila na nang namayapa rin ang tatay ko, umiyak ako nang umiyak. Hinayaan ko lang silang umiyak upang kahit paano’y mahugasan ng luha ang nakakapit na banlik sa kanilang gunita.

 

“Umiyak ka na ba?” gayon ang tanong na isinalubong sa akin ng isang kaibigan ilang araw matapos na manggaling ako sa Real.

 

sundan...

balikan...

Literary Arts Division, 4th Flr., Cultural Center of the Philippines, Roxas Blvd., Pasay City 1300 Philippines
Tel. No. 832-1125 loc. 1706, 1707