May kalakal sa basurang
tinitipon ng mga palero mula sa mga estero't
lansangan – plastic, aluminyo,
tanso, papel at iba pang makakalkal
sa basurang itinapon mo na.
Pinagbilha'y katumbas
ng tuyo at isang dakot na bigas,
isama na ang pagpag
na pandagdag sa ihahain sa lamesa.
Katulad ng uod, niknik at langaw
pambuhay na rin ang basura
pagkat sahod ay binabarat
at basura ang trato sa mga manggagawa
ng kapitalistang nangungontrata ng basura.
Basurang kalakal at manggagawa'y
walang ipinag-iba
tinitimbang por kilo, presyo'y dinadaya
sa garahe ng San Jose, Montalban,
Muntinlupa't Banlat.
Katulad din ng uod, niknik at langaw
ang kapitalista ng Ren Transport
padapu-dapo-palipad-lipad-sa-pinagpawisan
ng mga manggagawa
padapu-dapo, palipad-lipad
sa pinagpawisan
ng mga manggagawa.
Habol-hininga nang makarating
sa pampang ang nanginginig na katawan
ng aking panganay;
nakatingin siya sa akin, nagtatanong
kung bakit.
Tantya ko, siya'y nabusog
sa dami ng nainom
na tubig, noo'y kasunod
niya ang mga itik na magpapahinga
sa pampang; sa di kalayuan,
kasama ng mga kangkong
ang pumpon ng mga basura.
Nagbago na nga ang sapang
ito: dati-rati'y makakapanalamin ka pa
sa tubig at makakakuha
ng bulig, tilapya, o biyang tabang
na iihawin o papaksiwin
para iulam sa hapunan.
Pero nagbago na nga ang panahon
at nakita ko sa aking anak ang lisik
ng mga matang hindi ko maipakita noon
sa aking amang: Isang tag-araw,
para turuang lumangoy –
nang sa sapa, ako'y
walang kagatul-gatol niyang inihagis.
i
Sakaling maisipang dumalaw
sa kung saang lugar, lugar na hindi rito
kundi bahagi ng mga panaginip o pagmumuni-muni,
ilalakbay ako ng aking mga paa
na para bang hindi ko mga paa
ang magtatawid sa akin sa Dagat Pasipiko
sakay ng barko o ng eroplano
patungo sa kung saang lugar, lugar na hindi rito
kundi sa ibayong dagat.
Sa aking paglalakbay ay makikilala ko siya -
tripulanteng kaniig ang alon at habagat.
Kung minsan naman ay inhinyero
o mekaniko sa disyerto kung saan nalalapnos
ang mga sandali sa init ng araw.
Dahil pamilyar ang kanyang tindig at salita,
hahabulin ko siya sa tabing-bangketa
upang pagtanungan kapag nawawala.
Kumbakit kapag nagugutom, masisipat
ko siya sa mga restawran, nagluluto
ng mga pagkaing sa panlasa'y pamilyar.
Makakabungguang-braso ko rin siya
sa plasa ng mga dambuhalang siyudad
ng nagtatayugang mga gusali
at kumukundap-kundap na liwanag.
Makakakuwentuhan ko siya isang Linggo
sa parke at ikukuwento niya
kung gaano kalungkot mahiwalay
sa anak na nag-aaral sa elementarya.
Kapag iimbitahan niya akong manuod
ng kanyang pagsayaw at pagkanta
ay lagi kong nakakalimutan
at alam kong gaano man magpaumanhin
ay hindi mawawala ang pagtatampo.
Anupat alam kong lagi't lagi ko siyang makikita
sa tagsibol kapag ang mga bulaklak
sa aking paanan ay parang mga nangungulit
na orasan, pagkat sa taglamig
ang mga yelo'y bumabagsak, humihiwa
sa mga alaala.
ii
Noong kabataan, inisip kong nilululon
ang karagatan ng umaalimbukay na talon
patungo sa kung saang lugar, lugar na hindi rito
kundi bahagi ng mga panaginip o pagmumuni-muni.
Ilalakbay ako ng aking mga paa
na para bang hindi ko mga paa
ang magtatawid sa akin sa Dagat Pasipiko.
Pagkat may kawing sa aking sakong,
ako'y nakaangkla sa ilog ng mga alaala
habang namamandaw si amang
at sagwan-sagwan ni inang ang bangka
para manghuli ng maski isdang ga-dangkal
upang maihain sa aming munting lamesa.
Nakaangkla ang mga palaisdaan, mga bayan,
simbahan, palengke, mga eskwelahan
at mga ugat nila'y isa-isang nabubunot
at hindi ko mawari
kumbakit tuwing taglamig
ang mga yelo'y bumabagsak, humihiwa
sa mga alaala.