Dalawang Tula ni Edgar Bacong

 

 

 

Abril

 

 

nalilito ang abril

di alam ang gagawin

kung kukulayan ba n'ya

ang himpapawid ng asul

at magpipiyesta sa langit

kasama ang mga kerubin

o di kaya'y maglalatag ito

ng alkitran sa kalawakan

at biglang bubulabugin

ang kawan ng mga ibong

masayang nakikipagharutan

sa malamyos na ihip ng hangin

 

sa lupa natataranta

ang malalagong puno

ng mga magnolya.

 

 

7 abril 2005

Zurich, Switzerland

 

 

 

 

 

Ako, pagpasok ng taglagas

 

 

Pagpasok ng taglagas

mga sanga ng puno'y

nagsasabit ng mga dilaw,

kulay dalandan at matitingkad

na pulang banderitas;

na maya't maya'y sumasayaw

sa walang kapagurang

pagtugtog ng hangin

sa kapanahunang ito,

tila saglit na ipinagdiriwang

ang papalapit na pananahimik

ng buong paligid.

 

At ako'y

natulad sa mga krokus,

ang makukulay na talulot

ay noon pang tag-araw itiniklop

at sa ilalim ng lupa'y nahimbing,

tinakasan ang pagdating

ng kayhapding hangin.

 

 

Setyembre 1, 2005

Zurich, Switzerland