Kapag ganitong umuulan
bumubuhos ang kahidlaw
sa aking dughan.
Tag-ulan kasi nang umalis ka.
Ngayon, kahit nag-iisa na lang ako
patuloy ko pa ring inaararo
ang taramnanan ng pagsulat.
Kamakailan nga lang naisab-og ko na
ang binhi kong mga kataga.
Aabunuhan ko ito ng pagsasanay;
payayabungin sa tensyon ng mga
unos at salot, bubunutan ng mga ligaw
na metapora, at aanihin sa lamigas
ng kalipay. Hindi ko ito iiwanan,
ulit-ulitin man nilang sasabihin
na wala ang karangyaan
sa pagsasaka, sa pagsusulat.
Nasisiguro kong hangga’t buhay
at tutuo ang mga binalaybay
sa ating kaluluwa, habang may
tagtaranum sa bawat tag-ulan,
uuwi ka pa rin.
nang
ang ulan trapik at ang (ka)hapon nang-aakit
may gahum sa dila ng ulan
na bumubuhos ngayong hapon –
itinali ako sa pintuan
ng pinapasukang paaralan.
nagmamadali ang umaga kanina
at naging mabigat
ang pagbitbit ng payong.
paano kaya makalipat sa kabila?
may gahum sa dila ng ulan
na nagpabagong-anyo sa kalsada
sa sinaunang ilog
na pinagsalukan ng tubig
na ininom-higop ko sa paglaki.
paano kaya matabok ang pampang?
may gahum sa dila ng ulan
na nagpapaalala sa mga malapad
na dahon ng gabi at saging;
na nagpapalusaw sa pagkakaiba
ng kalakala ng mga palaka
sa sirbato ng mga sasakyan.
ay, pesteng ulan,
nagpapatubo sa ngipin ng gurang!
mabubuhay lamang muli
ngayong gabi
ang mga pangarap na bukid
at panaghoy sa sapa
kung may tutubong akasya
sa harapan ng aking apartment
na kumikislap sa mga alitaptap.
may gahum sa dila ng ulan
na sumasalida ngayong hapon –
nang-aanyayang dumaan-mamasyal
sa pinakamalapit na mall.
Nahuhulog ang mga dahon ng samlague
sa lamesa na pinili nating upuan
sa labas nitong nakakubling restawran
siguro dahil nakakubli rin
ang mahuhulog na mga kataga -
patas ng mga dahon ng samlague
tuyo na sila upang mataktak
sa mga sanga ng ating puso’t isipan.
May katahimikan ang hapong ginulantang
ng hiyawan ng mga ibong lumilipad
nang biglang huminto ang isang kotse -
parang gabing iyon na muling hinatid
ng aking cellphone ang iyong tinig
at dinalaw-balot ako ng pananabik:
kakaiba, pambihira - parang sampaguita
ice cream na dinala sa atin ng weyter.
Nangamoy ang sampaguita ice cream
sa aking hininga at nabuhay
ang malalapot na mga araw
ng ating pakikipagsapalaran
sa mga isla ng ating katawan: paglusong-ahon
sa kapwa damdamin at isipan
hanggang magkatugma ang ating mga galaw.
Pero bakit wala ang makasaysayang mga kataga:
“Ga, kumusta ka ron? Nahidlaw ako.”
Dili kaya ang saysay sa kanilang pagbuhay-bigkas
natutunan natin sa bumabalanseng mga dahon
sa kahangian na walang ibang patutunguhan
kundi ang pagsuko sa pwersa ng lupa?
Inulila ako ng pananabik na ang gumapang
na takipsilim kumislap ng luntian at inilunok ko
ang tamis na sa dila’y naiwan ng sampaguita ice cream.