Maikling Kuwento
ROOM FOR RENT
ni Abdon M. Balde Jr.
Taong 1968. Pitong buwan na
akong nangungupahan ng kuwarto sa Mirasol, Pasay. Dalawang metro ang luwang,
limang metro ang haba ng kuwarto. Salpak sa isang kanto ang kama. May kaunti
pang lugar para sa isang munting mesa. Gabundok sa mesa ang mga librong
kaulayaw ko sa pag‑iisa. Nakahilera sa dingding na tadtad ng pako ang mga
damit kong plantsado. Balak kong bumili ng isang maliit na aparador ngunit
walang puwesto ito sa liit ng kuwarto.
Sa labas ang kain ko. Alas siete ng umaga hanggang alas sais
ng hapon ay nasa opisina ako. Maliban kung Linggo. Pagdating ko sa gabi,
gagapang na lang sa loob ng kulambo. Beinte-kuwatro oras na nakabitin ang
kulambo, liban kung nasa labandera.
May isa pang maliit na kuwarto akong katabi. Paupahan din.
Dalawang belyas ang nakatira ngayon. Dati, si Aling Amparo ang nangungupahan
dito, kasama yong anak niyang gusgusin. Malimit silang dinadalaw ni Mang
Karding. Si Mang Karding ang ama ng batang gusgusin. No’ng Hunyo sumulpot sa
silong ang asawang tunay ni Mang Karding. Ingkwentro sa silong. Sumunod na araw
ay bakante ang katabi kong kuwarto.
Dalawang babaing pinturado ang mukha ang pumalit kay Aling
Amparo sa silong. ’Yong dalawang belyas nga. Sa Abenida ang trabaho. Anna at
Bessie ang tawag sa kanila. Aywan ko kung ano ang mga tunay na pangalan.
Sa itaas nakatira ang may‑ari ng bahay. Lola lang ang
tawag ko dito dahil sa tanda nito. Lola rin ang tawag dito ng buong Mirasol.
Takbuhan si Lola ng mga kapos sa pera sa Mirasol. Utang‑sangla. Karamihan
ng tumatakbo sa kanya ay mga belyas na tinatakbuhan ng mga kabit nilang marino.
Apat na radyo ang nasa itaas. Limang bentilador, dalawang
TV, anim na aparador, tatlong pridyider, apat na plantsa, kasama pati mga
kabayo, mga alahas, pati ngiping ginto.
’Yong isang aparador nga ang kursunada kong bilhin. Beinte lang. Pero walang puwesto sa ibaba. Saka isa pa
nga, lilipat na rin ako. Si Lola, ’yong
dalawang belyas—pati mga kapitbahay namin—sabay‑sabay kaming mag‑aalsa‑balutan.
Binubutas na ang Buendia mula sa Taft diretso ng Dewey. Hagip ang Mirasol.
Nakikinikinita ko na: pagdating ng Setyembre, burado sa mapa ng Pasay ang
Mirasol, umpisang Harrison hanggang Dewey nga.
Kahapon ay nilapitan ako ni Lola. Ibinibenta yong isang
pridyider sa akin.
Kanina, paglabas ko ng banyo ay nasa pintuan na si Anna.
Sabi, sasama daw si Bessie doon sa kabit nitong kristo sa sabungan. Puwede daw
ba, dahil wala siyang naiipon pa, isama ko na lang siya, kung saan man ako
lilipat, kahit kabit din. Sabi ko, pa’no ako magkakakabit, eh wala pa naman
akong asawa. Sabi niya, puwede naman daw siya, kahit pansamantala.
Minsan nanghihinayang din ako sa mga biyayang nasa palad ko
na’y ayaw ko pang tukain.
Nagbihis ako pagkapaligo. Si Anna ay nasa banyo pa nang lumabas
ako sa kuwarto. Tila tulog pa si Bessie. Linggo kasi.
Umakyat ako. Dinatnan kong nagwawalis si Lola.
“Lola,” sabi ko, “puwede ho ba, tutal a‑onse pa lang
naman ng Hulyo, kung makalipat ako bago mag a‑kinse, kalahating buwan na
lang ng Hulyo ang bayaran ko?”
“Bilhin mo ’yong pridyider, puwede, ” sabi ni Lola. Diretso
magsalita si Lola.
Nasa labas na ako ng bahay ay nakakunot pa ang noo ko.
Iniisip ko kung bakit kapag pare‑pareho kayong gipit, ’yong maliliit na
bagay ay tila lalong lumalaki. Napakahirap makiusap.
Nakarating na ako ng Harrison ay hindi ko pa tiyak kung saan
ako pupunta. Alam ko lang, itong linggong ito, kailangan kong makakuha ng
malilipatan. Tatlong araw ang hiningi kong bakasyon sa opisina. Miyerkules
dapat makalipat na ako. Tama nga—a‑katorse lang ako sa Mirasol. ’Yong
isang araw, hindi sana bale. Kaya lang si Lola...
Sumakay ako ng dyip papuntang Quiapo. Pagbaba ko sa harap ng
simbahan ay bumili ako ng diyaryo. Pumuwesto ako sa tapat ng Lacson Underpass.
Akyat‑palusong na parang langgam ang mga tao sa hagdan ng underpass. Sa
ibabaw nito, ang mga sasakyan ay tila mga palasong humahaginit. Pumasok sa isip
ko: ano kaya kung sa halip na tao ang tumakbo paroo’t parito ay kabitan na lang
ng telepono ang bawat tahanan, bawat opisina, bawat tindahan, bawat gusali.
Lahat. Tawag ka na lang sa opisina kung ano’ng trabaho mo. Tawag sa ‘yo ang
tindahan kung gusto mong bumili ng lansones. Kung may patay sa bahay mo, tawag
ka sa sementeryo, sabihin mo sa sepulturero na abangan sa alas singkong biyahe
ng tren ang kabaong ni Juan dela Cruz. Cash on delivery. Lahat lang kargamento
ang laman ng panglungsod na tren. Ang biyahe, beinte‑ kuwatro oras. May
himpilan bawat bahay, bawat opisina, bawat gusali.
Paano mo itatawag sa telepono ang pangangailangan mo kay
Anna at Bessie?
Binuksan ko ang diyaryo sa pahina ng Classified Ads. Mga
rooms for rent. Inisa‑isa ko. Tatlo ang nakita kong puwede:
109‑B Scout Castro Q.C.
Tel. 982173
P150 w/ T&B
4286 B’Aires
Samp
4251 Zamora, Pasay
‘Yong una, sa Quezon City. Mulang Quiapo dalawang sakay ako.
Dalawang sakay din papuntang Sampaloc. Naisip ko, tutal Pasay din, puntahan ko
muna ’yong pangatlo.
May isang bagay na nakakagayuma sa akin sa Pasay. Hindi ko
masyadong tiyak kung alin. Maaaring ang gulo ng buhay dito. Ang mga pasugalan,
mga kasa, mga sentro ng bisyo. Isa lang yon. Maaari ring palagay ang loob ko sa
isang lugar na walang kaayusan. Maduming palengke, baku‑bakong daan, baha
‘pag tag‑ulan. ‘Pag hindi ka maingat sa paglakad ay matatapakan mo sa
baldosa ang mga panindang tuyo, kalamansi, laruan ng bata, mais, sisiw,
bulaklak. Isa rin yon. Maaari ring ang lugar na mismo. Malapit sa dagat,
malapit sa Mabini, malapit sa Makati, malapit sa sementeryo. Magkakapit-balikat
ang karangyaan at ang kahirapan, ang putik at dagitab, ang buhay at kamatayan.
Isa pa, kahit saan ang punta mo, isang sakay lang; mag‑Quiapo,
mag‑Abenida, Laguna, Cavite o Novaliches.
Lumusong ako sa Lacson Underpass, tumawid ng Quezon
Boulevard at lumuwas sa tapat ng simbahan. Agawan pagsakay ng dyip, kahit
Linggo. Sumakay ako ng bus—Baclaran via Taft.
Bitbit ko pa rin ang diyaryo.
Kung ikaw ay sasakay ng
bus sa Taft Avenue nang Linggo ng umaga, masisiyahan ka sa malamig na hanging
malalanghap mo. Malamig, sabi ko, hindi ko sinabing sariwa. Walang sariwang
hangin sa Maynila. Panay hininga ng tambutso ang malalanghap mo. Pero ’pag
Linggo, mga alas siete ng umaga, hininga man ng tambutso at malamig,
masisiyahan ka na rin. Wala ka nang ibang maaasahan. Ang bus na sinakyan mo’y
aakyat ng Quezon Bridge, lulusong ng Lawton, bubulusok sa isa pang underpass sa
harap ng Maharnilad. Pag‑ahon ay Taft Avenue na. Sa kanan mo’y Luneta.
Matao sa Luneta kung Linggo. Dito magtatagpo‑tagpo ang
mapuputlang batang akay ng mapuputlang yaya. Mga maybahay na minsan sa isang
linggo kung makatakas ng kusina. Mga binatilyong may katipang atsay. Mga taga‑opisinang
ibig magpalakas ng katawan. Noong bago ako sa Maynila ay napupunta rin ako sa
Luneta, sa tabing dagat, mag‑isa. Nagbabasa sa damuhan. Pero n’ong
malaman kong pareho lang ang simoy ng hangin sa Luneta at sa kusina ng Intsik
na kalapit namin ay gusto ko pang langhapin ang niluluto ng Intsik.
Mag‑aalas otso lang nang bumaba ako sa kanto ng
Libertad at Taft. Kaagad siksikan ang bangketa. Hinuhukay ang Libertad para
palitan ang patakbuhan ng tubig‑ulan at baha. Nagkalat ang mga imburnal
na balot sa putik. May tumatagas na burak mula sa dulo ng hukay hanggang sa
bangketa. Isang batang gusgusin ang nagtapon ng bato sa burak. Malakas ang
atungal ng aleng naglalako ng pansit sa kanto. Kitang-kita ko nang mahagip sa
noo ang ale ng tumilamsik na putik. Kumaripas ng takbo ang bata.
Lumiko ako ng Libertad pakaliwa, sa may simbahan ng Aglipay.
“Lintyak, hindi pala Katoliko,” narinig kong sabi ng matandang nakabelo ng itim
habang palabas ng simbahan.
Bumili ako ng sigarilyo sa kanto ng Zamora at Libertad.
Inumpisahan kong maghagilap ng numero ng mga bahay. May bago, may lumang numero
ang mga bahay. Saglit akong nalito.
Nagtanong ako sa isang matandang naglilimpya‑bota.
“Mà, may hinahanap akong numero ng bahay dito. Alin ba’ng
tama? Dala‑dalawa kasi ang numero ng mga bahay.”
“AIam mo ba ang numero ng bahay na hinahanap mo?”
“Oho.”
“O, di isa lang sa mga numero ng bahay na yan ang
makakapareho ng numero mo. Walang dalawang bahay na pareho ang numero, saan
mang kalye. T’yak ’yan, iho.”
Pumasok ako ng Zamora. Maluwang ang kalye. Pero luma rin ang
mga bahay. Pasulpot‑sulpot ang bago. Pero t’yak ko na kaagad na walang
bagong apartment dito.
Nakuha ko na ang numero 4251. Pangalawa ito sa isang linya
ng mga apartment na may limang pinto. Kanya‑kanyang bakod paharap sa
kalye. Siguro may dalawang kuwarto sa taas. Isa ang ibig paupahan, naisaloob
ko. ‘Yong mayor na may-upa ng apartment, doon ka mangungupahan. Parang sabit ka
lang. Ganoon palagi.
Bawat pinto ay nababakod ng pantay‑taong pader. May
kanya-kanyang munting puwang sa harap na puwedeng pagtaniman ng halaman o
paradahan ng kotse. Sa dulong pinto, isang Volkswagen ang nakagarahe. Sagad
hanggang bakod ang puwit ng kotse. Lahat ng bintana’y may screen. Ayos ito, sa
loob ko. Hindi na kailangan magkulambo. Luma nga lang ang pader na dingding at
kupas ang pintura. Kahoy ang taas. Napansin ko ang antenna ng TV sa bubungan ng
numero 4251. Nakakurtinang asul ang mga bintana. Bahagyang nakaawang ang isang
dahon ng bintana sa ibaba.
Kumatok ako sa pinto. Walang sumagot. Kumatok uli ako. Wala
pa rin. Naalala ko,baka may doorbell. Hinanap ko. Wala. Kumatok uli ako,
malakas, wala. Isa pa. Wala pa rin. Wala yatang tao, sa loob ko.
Sumilip ako sa nakaawang na bintana. Madilim sa loob.
Nasasala ng screen ang liwanag sa labas. Bahagyang pinagagalaw ng hangin ang
kurtina pero wala rin akong nasisilip sa loob. Sinubukan ko uling kumatok.
Dalawa, tatlo, apat na ulit. Wala pa ring sumasagot Naisip ko uli, alas otso‑kinse
pa lang, baka kaya tulog pa. Nilakasan ko ang katok. Bahala na kung
makabulahaw, sa loob ko. Tutal naka-diyaryo naman na talagang paupahan.
Nakarinig ako ng tila yabag sa taas. May nagbukas ng pinto sa loob, sa itaas.
Nagising din, sa isip ko. Naghintay ako. Medyo konting paumanhin na lang ang
naisip kong pambungad sa may-bahay.
May mga limang minuto ako naghintay. Walang nagbukas ng
pinto. Kumatok uli ako. Tahimik na tahimik uli sa loob. Dalawang ulit akong
kumatok nang malakas. Walang sumagot.
Mga sampung minuto akong nakatanga sa harap ng pintuan.
Huling katok, naipasya ko. Kung walang sumagot, babalikan ko na lang mamayang
hapon. May dalawa pa naman akong pupuntahan. Baka sakali. Kaya lang, sayang din
ito, narito na rin lang ako.
Kakatok na sana muli ako nang mapansin kong hindi nakasara
ang pinto. Hindi lapat. Hindi maayos ang pagkakaasinta ng pinto kung kaya
sumasayad ang isang kanto sa baldosang sahig. Nilingap ko ang paligid. Walang
naglalakad sa Zamora. Linggo talaga. Pinihit ko ang hawakan ng pinto. Nag‑aalangang
itinulak ko ng mahina. Bumukas. Madilim sa loob. Bahagyang liwanag ang naglagos
sa makapal na kurtina.
Ilang ulit akong nagpatao‑po. Walang sumagot. Balak ko
na sanang pumasok nang may napansin ako sa sahig. May taong nakahiga! Nakadapa.
Babaing payat at mahaba ang buhok. Isinara ko ang pintuan. Bigla. Ang una kong
naisip ay ang tumakbo sa labas. At akmang patakbo na ako nang may gumuhit na
isang bagay sa isip ko. Sa pagitan ng isang kisapmata, bago tuluyang nasara ang
pintuan, ay may nakita ako sa sahig. Makislap sa karimlan. Dumadaloy. Mapula.
Dugo!
Nangatal ang kamay ko sa hawakan ng pinto. Lumakad ako sa
may bakod, sa bangketa. Baka may tao sa ibang pintuan. Wala. Sarado ang apat na
pintuan. Bumalik ako sa pinto. Maingat kong ibinukas. Sumilip sa loob.
Pangitain o hindi, ang nakita ko’y larawang hindi ko na maiwaksi sa isip. Ang
babaing nakadapa, ang dugong tumatagas sa ulo nito’y namumuo sa abuhing
baldosa. Hindi ako lumapit, pero tiyak ko, ang babaing ito’y wala nang buhay.
Patay!
Mabilis akong lumakad palabas. Pinigilan kong tumakbo.
Iniwasan kong makatawag ng pansin . May dalawang tricycle na lumampas sa akin.
Isang taksi at tatlong dyip ang nakasalubong ko. Sa kanto ng Zamora at Libertad
ay marami na uling tao. Ang matandang naglilimpya-bota ay nakatingin sa akin.
Umiwas ako ng tingin.
‘Yung mga sandaling iyon, lahat ng nangyari sa paligid ko’y
naramdaman ko. Aywan kung bakit. Kahit ang mga mata ng matandang naglilimpya‑bota,
damdam ko ang maiinit na mga mata nito sa aking likuran.
May malamig na pawis na gumuhit sa aking noo.
Mabilis akong naglakad papuntang Taft Avenue. Tila lalong
sumisikip sa tao ang bangketa. Habol ang aking paghinga. Nakaramdam ako ng
matinding pagkauhaw, ng panunuyo ng lalamunan. Nagsindi ako ng sigarilyo. Ang
naisip ko’y makaalis agad sa Libertad.
Nasa may himpilan ako ng bus, hawak ang lighter at
sigarilyo, nang may pangambang gumuhit sa dibdib ko. Ang hawakan ng pinto! Ang
mga bakas ng kamay ko sa nikiladong hawakan! Tiningnan ko ang nikiladong
lighter sa palad ko. Kahit sa mata lang,kitang-kita ang bakas ng kamay.
Nakaramdam ako ng paninikip ng sikmura.
Gulo ang isip na naglakad ako sa malapad na bangketa ng
Taft. Pilit kong inisip kung ano ang mabuting gawin. Humahagibis ang mga
sasakyan sa Taft. Humahagibis na mga sasakyan! Paroo’t parito ang mga tao!
Naalala ko kanina, sa bungad ng underpass, may iniisip ako tungkol sa walang
humpay na paroot’ parito ng mga tao. Tama! Telepono!
Pumasok ako sa isang tindahan ng mga radyo. Nasilip ko ang
mga paupahang telepono. Treinta bawat tawag. Humingi ako ng directory at inabot
ito sa akin ng isang payat na tindera. Pagkatapos ay bumalik siya sa
pagkakalikot ng kanyang matutulis na kuko.
Police. Police, Pasay.
Nakuha ko ang numero. Siniguro ko munang walang malapit sa akin.
“Hello?”
“Hell‑oo!”
“Police ho? Pasay. . .pulis?”
“Ito nga. Sinong kailangan mo?”
“May—mayroon lang akong itatawag. Puwede ba pakilista n’yo
lang? Importante lang?”
“Ba’t sino ba ‘to? Pangalan mo!”
“Basta ilista n’yo, 4‑2‑5‑1. Kwatro, dos,
singko, uno; Zamora, Pasay. May...may patay! Puntahan n’yo. May patay!”
Bigla kong ibinagsak ang telepono at mabilis akong lumabas
ng tindahan. Bumalik uli ako. Nakalimutan ko ang bayad. Nakangiti ang tindera
nang abutin sa akin ang treinta.
Hindi ko maisip kung ano ang mabuting gawin pagkatapos ng
tawag na iyon. Kung makuha ng mga pulis ang babaing patay, magsisiyasat sila.
Hahalughugin siguro ang bahay. Makukuha ang bakas ng kamay ko sa pintuan.
Maghahanap sila ng kapareho nito. Sa bagay, wala akong record sa pulis. Maski
jaywalking, wala. Pero—teka, mayroon! Nang pumasok ako ng trabaho, kumuha ako
ng police clearance. Lahat ng fingerprints ko’y kinuha! Pero doon pa iyon sa
lumang headquarters, sa may Burgos. Naglipat sila nang magkasunog doon. Paano
kung hindi nasunog ‘yong records ko?
Bumalik ako ng Libertad. Sa kabilang panig ako naglakad.
Sana walang makakilala sa akin, dalangin ko. Pagdating ko sa kanto ng Zamora’t
Libertad ay nakita kong wala na ang matandang naglilimpya‑bota. Nag‑almusal
siguro. Dalawang dyip ng pulis ang lumiko ng Zamora. Sinundan ko ng tingin.
Kumakalam pa rin ang tiyan ko. Bumagal ang takbo ng dalawang dyip hanggang
huminto sa tapat ng apartment na kinatukan ko. Apat na pulis ang mabilis na
bumaba. Nawala sa linya ng pantay-taong bakod.
Matagal akong natulos sa pagkakatayo. Siguro’y mga beinte
minuto. Nang mainip ako’y inumpisahan kong lumakad palapit sa dalawang dyip.
Bahala na, sa loob ko. Tutal, totoo naman lahat ang sasabihin ko, sakali. Pero
naroon pa rin ang kaba ng dibdib ko.
Halos nasa tapat na ako ng dalawang dyip nang maalala ko ang
diyaryong bitbit ko pa rin. Mabilis kong binuklat sa pahina ng classified ads
at lumapit ako sa bakod.
Papalabas sa apartment numero 4251 ang mga pulis.
“Tarantadong tao ’yon,” dinig kong sabi ng isang pulis. Natigilan
ako sa harap ng bakod. Napatingin sila lahat sa akin. Naghagilap ako ng
sasabihin.
“’Eto..’eto ho ba’ng nakaadvertise dito sa diyaryo?”
“Ano?” pasinghal na tanong ng matabang pulis.
“Eh…pi…pinauupahang kuwarto, ata…dito? “
“Sa loob ka magtanong,” sabi ng pulis. “Baka may makita ka
ring patay.”
“Ano ho?” Biglang nanlambot ang tuhod ko.
“’Ala, pumasok ka. Sa may‑ari ka magtanong.”
Kumatok ako sa nakasarang pintuan. Bigla, umatungal ang
makina ng dalawang dyip sa labas. Nagitla ako. Sabay bumungad sa pinto ang
mukha ng isang matandang lalaki. Ilang saglit akong nangangatal ang baba sa
harap ng pinto.
“Ano’t namumutla ka ’ata?” tanong ng matanda.“May hinahanap
ka?”
“Ah, eh…ku‑kuwan ho...kuwarto ho. May…may pinauupahan dito?”
“Kuwarto? Walang pinauupahan sa ngayon. Nakuha na namin.”
“Eh, nandito pa ho sa diyaryo. Sabi dito…”
“Iho, luma na siguro ’yang diyaryo mo. Isang linggo na
kaming andito.”
Bigla kong binuklat ang diyaryo na tila naalimpungatan buhat
sa pagtulog. Nagitla ako. Ang bitbit kong diyaryo’y labas noong nakaraang
Linggo! Gumuhit pabalik ang isip ko. Sa Quiapo. Isang bata sa bangketa ang
binilhan ko nito. Batang bangketa. Maaari kayang higaan niya ito sa pagtulog?
Ngunit bago ang diyaryo. Balot kaya ng mga bagong labas? Bakit buo ang diyaryo?
Kanina sa bus, bakit hindi ko naisipang magbasa? Wili ako sa
pag-iisip. Isa pa, hindi ako palabasa ng diyaryo. Sana, unang pahina pa lang,
alam ko na kung luma. Pero bakit hawak ko ang isang diyaryong tapat na isang
linggo nang luma? Linggo rin ang araw ng labas ng tangan kong diyaryo. Anong
pagkakataon ito?
Ang babaing nakadapa sa pader! Maaaring luma ang diyaryong
hawak ko, pero maaari ring may babaing patay sa bahay na ito.
“Ang…asawa n’yo, kasama n’yo?”
Sinikap kong sumilip sa loob. Pero ni walang gumagalaw sa
loob.
“B’yudo ako ng tatlong taon na. Anak kong driver ang kasama
ko, nasa pamamasada na.”
“May babae akong nakita dito kanina. Ga‑galing ako
dito…”
Bigla kong nakagat ang dila ko. Hindi ko dapat sinabi iyon.
“Walang babae dito.” Matigas ang tinig ng matanda. Sabay
sara ng pintuan.
Naiwan akong nakatanga sa harap ng pintuan. Lito pa rin ang
isip na lumabas ako ng bakod. May isang bagay pa, bukod sa babae, na nawala.
Nasa bangketa na ako ng Zamora nang bigla akong naudlot. Nilingon ko ang
bubungan ng apartment. ’Yong antenna ng telebisyon!
Tila nabuksan ang mga mata ko mula sa pagkapikit. Hindi
lamang ang antenna ang wala! Ang mga kurtina sa bintana—lahat ngayon ay pula!
Ang bintana sa itaas, bahagyang nakaawang. Aywan kung paano, pero nang mga
sandaling iyon—tiyak ko—may mukhang nakasilip sa nakaawang na bintana. Tiyak ko
rin, hindi ang mukhang iyon ang kausap ko kanina sa ibaba!
u
Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng aking nakita. Hindi
ko alam kung bakit may mga pagkakataon na ang karaniwang mga pangyayari ay
nagkakatugma‑tugma para makabuo ng isang mahiwagang kaganapan.
Mahiwaga kaya o walang katuturan? Alin ang tama? O baka kaya
ang kahiwagaan at kawalang-katuturan ay iisa lamang? Mga kaganapan na hindi
mapag‑ugnay ng isip dahil sa kakulangan ng pag‑unawa.
Mahiwaga ang kidlat sa mata ng tao noong unang panahon. Ano
ang katuturan ng aking mga panaginip ngayon?
Isa lamang ang tiyak ko: Ang lahat ay may dahilan; ang lahat
ng dahilan ay narito sa lupa.
Ang takot na naramdaman ko ay takot ng isang karaniwang tao
na nasa isang katayuang hindi niya lubos na maunawaan. Halimbawa, bakit ka
matatakot sa loob ng isang silid na ganap ang karimlan?
Ang babaing nakita ko sa loob ng apartment ay maaring patay
na babae. Kung siya ay pinaslang, ano ang mahiwaga sa pagpatay? Alam na natin
na ang tao ay sadyang pumapatay ng kapwa niya tao. Ang mga kurtina, ang antenna
at ang mukhang nakadungaw sa bintana ay maaaring dahilan ng isang tusong paraan
ng tao para maisagawa ang isang maitim na balak.
Ang diyaryong luma ay maaaring dahilan ng isang makataong
pagkakamali.
Ang hindi ko alam ay kung bakit isang lumang diyaryo ang
nagtulak sa akin para masaksihan ang hindi magkakaugnay na pangyayari sa
apartment numero 4251.
Sa kabilang dako, paano kung ang babaing nasilip ko sa
karimlan ay bungang‑isip ko lamang? Isang lumang pangitain na nasa isip
ko na, bago pa ako dumating ng apartment numero 4251? Na kaya lamang naging
maliwanag sa mata ko ay dahil sa karimlan?
Paano kung nang Linggong iyon ako’y hindi talagang gumising
sa umaga at ang lahat ay isang masamang panaginip lamang?
May isang tao na nanaginip na siya’y isang paruparo; nang
siya’y magising, hindi na niya matiyak kung siya ay isang paruparong
nananaginip na siya’y isang tao.
Sino ang ganap na nakababatid sa isip ng tao? Sino ang
makapagpapaliwanag kung bakit nang sumunod na Linggo ay muli kong nakita sa
isang bagong dyaryo ito:
Room for rent: 4251 Zamora, Pasay
?
ANG MAY AKDA
Pangalan: Abdon M. Balde, Jr.
Ipinanganak sa Busac, Oas, Albay
Nakatira sa #18 Dao St. Casimiro Village,
Las Piñas City
e-mail kadunung@yahoo.com
Tinapos Bachelor of Science in
Civil Engineering
.
Ipinanganak
sa liblib na nayon ng Busac, Oas, Albay siya’y isang Bikolanong inhinyero na
pagkatapos ng 33 taon sa konstruksyon ay tumugon sa mapang-akit na tawag ng
Musa ng Panitik. Kasalukuyang nakatira sa Las Piñas City. Kasalukuyang Kagawad
ng Lupon sa Wika at Salin ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA)
at isang Direktor ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Nanalo ng National
Book Awards ang kaniyang mga aklat na Mayong at Hunyango sa Bato, nagawaran
ng Rokyaw Ibalong Bikol Achievement
Award in Literature at nanalo sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature
sa kategoryang Maikling Kuwento.