MAIKLING KUWENTO
KALAGUYO
ni Abdon M. Balde Jr.
Kaninong puso ang hindi maaantig kung
pagbukas ng kinatok na pinto ay bumungad ang mukha ng babaeng malimit sumisiil
sa isip at nagbabanta ng paglimot? Ngunit bakit namumula ang kaniyang mga
pisngi? At ang basang mga labi ay tila nangangatal? Mukha ba ito ng isang
babaeng katatapos lamang makipagtalik? O nabulahaw sa gitna ng isang maapoy na pakikipagtalik? Bakit masasal ang
kanyang paghinga at bahagyang nakaawang sa may dibdib ang damit?
Nasa likuran ko ang mga huling anag-ag ng
dapithapon kaya nakikita ko ang matingkad na kulay ng kaniyang mukha kahit may
aluminum screen na nakapagitan sa amin. Nasisilip ko ang ilang hibla ng
pantay-balikat na buhok na nakalugay sa kaliwang noo, bumubulusok sa tagiliran
ng ilong at malanding umiilandang sa ihip ng buntong-hiningang nanggagaling sa
mabilis na tahip ng dibdib. Sa tingin ko’y lalong tumitingkad sa mamula-mulang
anag-ag ng papalubog na araw ang napakaganda pa rin niyang mukha.
“Ano. ’Yon?”
Hindi magkadugtong ang dalawang salitang
namutawi sa mga labing bahagyang nanginig. Kaagad kong naramdaman ang mariing
hagod ng kaniyang mga mata sa kabuuan ng aking mukha. Naghahagilap ng
mapagkakakilanlan sa akin. Nakaharap siya sa liwanag kaya nangunot ang mga
kilay sa panganganinag. Pagkatapos ay napako sa mga mata ko ang kaniyang
tingin. Malalagkit na tingin.
Hindi ko sinagot ang kaniyang tanong.
Tinitigan ko siya sa mukha, sa mata, umaasang makikilala niya ako.
Nananalanging may palatandaan sa mukha ko, sa
katawan, sa pananamit na magpapaalala sa kaniya. Nangangambang hindi
niya buksan ang pinto at ipagtabuyan ako.
Nang hindi ko na matiis ang
nakapangangambang katahimikang namamagitan sa amin ay saka ko inilabas mula sa
likod ang tangan kong kumpol ng mapupulang rosas. Kaagad nagayuma ng mga
bulaklak ang kaniyang pansin. Natuon ang mga mata niya sa mga sariwang talulot
na may mumunting butil pa ng tubig na idinilig ng dalaginding na magbubulaklak.
Humulagpos ang isang malalim na buntong-hininga. Ilang saglit na nagpalipat-lipat
ang tingin niya sa mukha ko at sa kumpol ng mga bulaklak. Tila inaapuhap ang
kaugnayan ng mukha ko sa mapupulang talulot.
May tinig sa utak ko na ibig sumigaw: Baguio!
Baguio! Mines View Park! Hindi mo ba naaalala? Doon tayo unang nagkita. May
dala ako noong kumpol ng mga rosas na pula, katulad nitong hawak ko! Ang sabi
mo, palagi akong magdala ng rosas na pula upang hindi mo ako makalimutan!
Ilang saglit pang nagpalipat-lipat ang mga
mata niya sa mukha ko at sa kumpol ng mga bulaklak. Pagkatapos ay nakita ko ang
bahagya, halos hindi halatang pag-angat ng kaniyang kaliwang kilay at paglaki
ng kaitiman ng kaniyang mga mata. Nabuhayan ako ng loob.
Humaginit ang barrel bolt, bumukas ang
aluminum screen. Nakahinga ako nang maluwag. Akmang hahakbang ako
papasok nang biglang tumukod ang kaliwang kamay niya sa dibdib ko. Dala ng
likas na ugali’y mabilis na sinalubong ko ang kamay niya at hinawakan sa
pagitan ng pulsuhan at ng siko. Mainit at mabilis ang daloy ng dugo sa mga
litid.
“Ang sapatos…pakihubad lang,” sabi niya,
alangang nag-uutos, alangang nakikiusap ang tinig. Marahan, walang
pagmamadaling hinugot niya ang kamay sa pagkakahawak ko. Pinakiramdaman ko ang
marahang dausdos ng kaniyang balat at ng bahagyang nakausling mga ugat sa
kaniyang braso. Pakiramdam ko’y bumilis din ang daloy ng dugo sa aking mga
litid.
Hinarangan ko ng dulo ng kaliwang sapatos
ang likod ng takong ng kanang sapatos at ang Hush Puppies ko’y nakalas at
naiwan sa ibabaw ng floor mat. Ganoon din ang ginawa ko sa kaliwang sapatos.
Nakatayo pa rin siya at nakaharang sa pintuan. Tila tanod na nagbabantang hindi
magpapapasok kung ako’y nakasapatos. Nang makitang naiwan sa floor mat ang
dalawa kong sapatos ay saka lamang ako pinapasok. Umurong siya nang kakaunti
kaya sumayad ang braso ko sa kanang dibdib niya. Kaagad sumalubong ang samyo ng
Jergens lotion na nakukubabawan ng Estee Lauder, Pleasures, kung hindi
ako nagkakamali.
Muli niyang isinara ang screen at inilapat
ang bolt. Panakaw na sulyap ang ipinukol niya sa mga paa ko. Hindi ko
nakaugalian ang magsuot ng medyas at ang hinlalaki ko ay ibig bumaon sa makapal
na alpombrang bulaklakin. Sa isang iglap ay bigla siyang umikot, kinuha ang
kumpol ng mga bulaklak sa kamay ko, ni hindi tumingin sa mukha ko at inunahan
ako sa pagpasok sa may kasikipang salas.
Nakasandal sa dingding ang isang
pandalawahang sofa (love seat?) na nasa pagitan ng dalawang lamiseta.
Ang unang lamiseta ay may plorerang puno ng hindi na sariwang bulaklak. Sa
ilalim nito ay patong-patong ang napakaraming magasin at iba’t ibang babasahin.
Ang iba’y nalaglag na’t kumalat sa ibabaw ng alpombra. Ang lamiseta sa kabila
ay may nakapatong na lamp shade na kaagad nang nakasindi ang ilaw dahil sa
karimlang likha ng makakapal na kurtina. Nakasandal sa kabilang dingding,
paharap sa sofa, ang isang kabinet na napapatungan ng TV at sa ilalim nito’y
isang VCD player. Naka-on ang player, may bala sa loob, ngunit naka-stop,
walang larawang makikita sa umaandap-andap na TV.
Sa isang iglap ay hinugot niya ang mga
lumang bulaklak sa plorera at ipinalit ang dala ko. Kita sa walang
pag-aalinlangang galaw ng mga kamay ang kasanayan niya sa ganitong pagpapalit
ng mga bulaklak. Nagmamadali siyang tumalilis pakaliwa, dala ang mga lumang
bulaklak at nawala sa isang panulukang may nakabiting makalumang lampara. Nang
bumalik ay wala na ang mga lantang bulaklak.
Lumapit siya sa lamisetang may lamp shade
at dinampot ang isang kaha ng sigarilyo. Bahagya siyang umikot patalikod sa
akin, tila ayaw ipakita ang ibig gawin. Nasulyapan ko sa may puno ng lamp shade
ang isang ashtray na may lamang dalawang upos ng sigarilyo na magkadikit, tila
magkaniig. Walang bahid ng lipstick ang mga upos. Naramdaman ko ang kaniyang
pag-aalangan. Muling ibinaba at ipinatong sa ibabaw ng lamiseta ang sigarilyo ngunit
hindi niya ito binitiwan.
Ang mga mata ko’y inakit ng kaputian ng
kaniyang batok na inilalantad ng manipis na blusang itim. May nakalas na
dalawang butones sa likuran. Tila lalong umitim ang mga hibla ng kaniyang
buhaghag na buhok na malayang nakalugay sa batok, dumadaloy sa pagitan ng
mapupusyaw na pahiwatig ng ugat sa kaputian ng balat. Kahit sa kaniyang
pagkakatalikod ay kita ko sa galaw ng kaniyang batok ang malalalim na hugot ng
hininga.
Muli niyang dinampot ang kaha ng sigarilyo
patungo sa kaniyang dibdib. Sa galaw ng mga braso’y alam kong humugot siya ng
sigarilyo sa kaha. Bahagya siyang yumuko. Biglang kumislap at sumirit ang sindi
ng posporo at hindi nagtagal ay malanding pumaimbulog sa mapusyaw na karimlan
ang ibinuga niyang makapal na usok.
Humakbang ako palapit sa likuran niya.
Nakatuon ang tingin ko sa mapuputi, tila busilak na batok. Bago ko nahawakan
ang nakaawang niyang manipis na blusang itim ay bahagya siyang umikot at
sinangga ng kaliwang braso ang kamay ko.
“Huwag—” mabilis ngunit pabulong na sabi.
Pinadausdos ko sa maputi at makinis niyang
braso ang aking kamay hanggang magkadaop ang aming mga palad. May kaibang init
ang kaniyang palad. Tila nilalagnat. Ginagantihan niya ang pagpisil ko ng
palad. Niyapos ko ang kaniyang maliit na baywang, sabay kabig hanggang nagdikit
ang aming mga balakang. Tinangka kong halikan siya sa labi, ngunit tumukod sa
baba ko ang kamay niyang may tangang sigarilyo at yumuko siya, hanggang
pumatong sa puno ng aking leeg ang kaniyang noo.
“Baka may makakita sa atin,” bulong niyang
muli.
Sa halip na sumagot ay hinalikan ko ang
buhok niya, at agad naamoy ang banayad na samyo ng Cream Silk. Sa ganitong
pagkakataon sumisidhi ang damdamin, tumatalas ang pang-amoy at pandinig at ang
kaliit-liitang pagdadaiti ng ano mang bahagi ng katawan ay nagdadala ng walang
kahulilip na pangingilig ng lahat ng himaymay ng balat. Ito marahil ang dahilan
kung bakit ilang sandali siyang nanatiling nakahilig sa akin habang
hinihimas-himas ko ang nakalantad pa rin niyang batok.
Hindi nagtagal ay umikot siya patalikod
uli sa akin. Hinabol ko siya ng yakap. Mabilis niyang naharangan ng dalawang
kamay ang dibdib. Pinisil-pisil kong muli ang kaniyang mga kamay habang
hinahalikan ang likod ng leeg, ang puno ng kanan niyang tainga. Ramdam ko ang
pangangalisag ng kaniyang balahibo. Bahagya siyang umungol, ang tinig ay
nanggaling sa kailaliman ng kaniyang mainit na dibdib.
“Ngayon ka lang…” narinig kong bulong niya
sa gitna ng isang malalim na buntong hininga. Pagkatapos ay sinundan niya ng,
“Darating na’ng asawa ko….”
Nang ang halik ko’y bumaba sa kaniyang
batok ay naramdaman kong tangka niyang kumalas. Hindi ko magawang pigilan siya
o gamitan ng lakas. Ayokong sirain ang loob niya. Isa pang mariing halik sa
likod ng kaniyang pisngi pagkatapos ay pinabayaan ko siyang humulagpos sa mga
kamay ko. Yuko ang ulong naglakad siya patungo sa pagitan ng salas at ng silid
kainan—sa kinaroroonan ng bar.
Habang nasa bar siya ay naisipan kong
damputin ang ilang babasahing kumalat sa alpombra. Natapakan ko na ang isang
magasin. Nakagugulat ang mga pamagat ng magasin at babasahin: The American
Journal of Epidemiology, Addex and J&JPRD Report, Allosteric Modulators,
Acta Neuropathologica, The Hormone Cortisol, The Gene Apolipoprotein E,
Acetylcholinesterase Inhibitors, Congophilic Plaques at marami pang ibang
teknikal na babasahin. Nars si Celia, mahigit dalawampung taong nanilbihan sa
United Kingdom, ngunit sino ang mag-aakalang aabot sa ganito ang kaniyang mga
pananaliksik?
Nakaluhod pa ako sa makapal na alpombra
nang lumapit siya. Tangan ang isang baso at isang kopita. Inabot ko ang baso.
Palapit pa lamang ang labi ng baso sa bibig ko’y agad nang sumalubong ang samyo
ng Beefeater. Alam pa rin niya ang gusto kong inumin! Ngunit nang tikman ko’y
lasa ng matabang na lime juice sa halip na sariwang kahel ang humagod sa dila.
“Cheers!” nakangiti kong sabi, sabay
santik ng baso sa kaniyang kopita. Hindi tapos na ngiti ang isinagot niya sa
akin. Nanatiling nakatingin siya sa
mukha ko. Nagniniig ang aming mga mata habang maingat niyang iniinom ang pulang
Cabernet Merlot. Marahan ko siyang nilapitan. Dinampian ng halik ang basa
niyang labi. Saglit siyang pumikit. Pagdilat niya’y sinundan ko ng isa pang
halik ngunit sa pisngi. Muli siyang pumikit. Pagkatapos ay naramdaman ko ang
muling pagtukod ng kaniyang kamay sa baba ko, sabay iwas ng kaniyang mukha.
Muli siyang umikot patalikod sa akin. Muli
kong hinabol ng yakap. Ngunit mabilis niyang kinalas ang kamay ko sa kaniyang
baywang.
“Darating na’ng asawa ko…ako’ng una niyang
hahanapin,” ulit niyang bulong at nagmamadaling naglakad pabalik sa bar. Ang
nakita niya pala’y ang sigarilyong may sindi na kanina’y iniwang nakapatong sa
barnisadong ibabaw ng bar. Sinundan ko siya. Dinampot niya ang sigarilyo at
hinitit. Malalim ang higop sa sigarilyo, narinig ko ang sirit ng hangin sa
pagitan ng kaniyang mga ngipin. Ilang saglit na hinayaan niyang kumalat sa baga
upang malasahan ang usok bago niya ito ibinuga. Ito marahil ang paraan niya
upang humupa ang kumukubabaw na masidhing damdamin. Muli siyang humitit,
kasinlalim ng nauna.
“Hindi ka na dapat naninigarilyo,” sabi ko
habang inaagaw ang sigarilyo sa kaniyang kamay. Nang mahawakan ko ang sigarilyo
ay humitit din ako nang minsan. Ang mentholated filter ay lumikha ng kakaibang
lamig na nanuot sa aking baga. Ngunit bago ko lubusang naibuga ang usok
ay siniil niya ako ng halik. Mapusok, marubdob, maapoy ang kaniyang halik.
Humilig ang buong katawan niya sa akin habang ginagalugad ng kaniyang dila ang
loob ng aking bibig at maya-maya’y nakikipaglaro sa aking dila. Tinangka kong
umurong ngunit tumukod sa likuran ko ang nakausling kornisa sa panulukan ng
bar. Tangan ko sa magkabilang kamay ang baso ng gin at ang sigarilyong may
sindi. Hindi ko malaman ang gagawin.
Maingat na inapuhap ng kamay kong may
tangang baso ang ibabaw ng bar at inilapag doon ang gin. Niyakap ko ng
nalibreng kamay ang kaniyang baywang at sa isang igtad ay naiikot ko siya’t
naisandal sa panulukan ng bar. Hinanap ng kamay kong may sigarilyo ang baso ng gin
at doon inilublob ang may sinding sigarilyo. Pagkatapos ay inapuhap ko ang
kamay niyang may tangan ng red wine, kinalas sa mahigpit niyang pagkakahawak
ang babasaging kopita at inilapag din iyon sa ibabaw ng bar. Ilang sandaling
nagpalitan kami ng maiinit na halik habang kinakalangan ko ng aking kamay ang
panulukan ng bar upang hindi masaktan ang likod niya.
Katulad ng dati, hinayaan kong mairaos ang
lahat ng tinitimpi niyang damdamin. Init ng puso’t kilig ng laman na hindi ko
alam kung saan bumubukal o kung anong mga alaala ang pinanggagalingan. Marubdob
at maapoy na damdaming hindi ko rin lubos na matiyak kung sa akin o sa kung
kaninong nilikha ng kaniyang isip inuukol. At dahil sa lubos na pagmamahal ay
isinumpa kong aalalayan ko siya saan man kami makarating. Bahagi siya ng buhay
ko, sa totoo ay higit na mahalagang bahagi ng buhay ko. Kaya habambuhay na
makikibahagi ako sa kaniyang kapalaran.
Nang humupa ang panggigigil niya ay
dahan-dahang kumalas ang labi niya sa akin at isinubsob ang mukha sa pagitan ng
balikat ko’t leeg. Nanatili siyang nakayakap sa akin. Ganoon din ako sa kaniya.
Pakiramdam ko’y walang lakas sa daigdig na makapaghihiwalay sa amin nang mga
sandaling iyon.
Maya-maya ay dahan-dahang naramdaman ko
ang mahinang uga ng kaniyang katawan. Umuugoy, tila ibig magpahele. Napangiti
ako. Sinuklay ko ng mga daliri ang manipis niyang buhok.
Ilang saglit pa, sabi
ko sa sarili habang bumubukal ang pag-asa. Naramdaman ko ang saglit na
pag-angat ng kaniyang mukha, tila natauhan galing sa panaginip. Saglit siyang
kumalas at tiningnan ang mukha ko. Nagtama ang aming mga mata. Ang kaniya’y may
bahid ng pagkabigla, na kaagad napalitan ng ningning. Ang akin ay malamang
nakakunot pa rin, nananalangin, umaasa, umaamot ng pag-unawa. Pagkatapos ay
muli siyang yumakap nang mahigpit. Humalik sa leeg ko. At narinig ko ang
pabulong niyang tinig. Isang salita, isa lamang ngunit iyon ang kaisa-isang
salitang kanina ko pa inaabangang marinig.
“Love…” bulong niya.
At kaagad na lumukso ang aking puso na
tila ibong naalimpungatan, nais na lumipad! Hindi ko napigilan ang bugso ng
damdamin. Walang alinlangang binuhat ko siya’t kinarga na parang isang sanggol.
Nanatili siyang nakayapos sa leeg ko. Hindi ko nakikita ang mukha niya ngunit
alam kong nakangiti siya habang patuloy na idinadampi ang mga labi sa leeg at
sa pisngi ko. Sumisiksik, umaamot wari ng pagmamahal.
Hindi na kasimbigat ng dati si Celia. Ang
balingkinitan niyang katawan ay marupok na’t kailangan ang ibayong pag-iingat.
Habang karga siya’y naglakad ako palapit sa
pandalawahang sofa at buong ingat ko siyang inilapag doon. Ginawa niyang
unan ang patungan ng kamay, nakahiga ang katawan sa bahaging upuan ngunit ang
mga paa ay umusli pa rin sa kabilang patungan ng kamay. Umupo ako sa sahig, sa
makapal na alpombra at ipinatong ang kaliwang kamay sa ibabaw ng kaniyang
dibdib. Himas-himas ko ang natitirang umbok ng kaniyang dibdib habang sapo ng
mga kamay niya ang mukha ko. Ang kaliwang palad niya ay humaplos paitaas
hanggang sa malapad kong noo at sa nangalirang kong buhok.
“You’re getting old,” sabi niyang
nakangiti, may bahid ng panunukso. Tumango-tango ako, patuloy na umiindak ang
puso.
“Akala ko’y hindi mo na ako makikilala,”
bulong ko.
“You know, Love, nakikilala lang
kitang talaga when you are this close to me. Aywan ko ba. Sa malayo ay
nagbabago ang mukha mo. Alam ko far sighted ang mata ko, pero ang brain
ko—”
“—ay near sighted,” agaw ko.
Humagikgik siya at may luhang nangilid sa
mga mata ko. Ibig kong maiyak sa tuwa.
“Alam mo, napadaan ako sa tabing-dagat,
malapit sa Aristocrat, napakaganda na pala roon. Tisa ang daanan ng tao,
pagkagaganda ng mga ilaw sa gabi, maraming upuan, maraming tindahan.”
“Sa Dewey?” tanong niyang tila hindi
makapaniwala.
“A, Roxas Boulevard na ngayon. May mga
restoran na nga at videoke bar. At ang liwasan sa harapan ng simbahan ng Malate
ay may malaking fountain at tanghalan ng mga artist at ibang performers.”
“Pero wala nang nagtitinda ng nilagang
saging,” pasubali niya. Nagulat ako.
“Naalala mo ‘yon?”
Kumindat siya habang nakangiti. Iyon ang panahong kapag inumaga kami sa
pamamasyal sa tabing dagat at kakaunti na ang aming pera ay mag-aabang na
lamang kami ng nagtitinda ng nilagang saging upang makapag-almusal. Ilang taon
na ba ang nakalipas—dalawampu? Tatlumpong taon?
“But you know, I really want to go to
the Manila Cathedral,” sabi niya. “Matagal na akong hindi nakapagsisimba.”
Ano ang isasagot ko? Sasabihin kong
kasisimba lamang namin doon kahapon? Sisirain ko ang mga sandaling ito? Kakatwa
kung paano laruin ng utak ang mga alaala.
“Sa Linggo, doon tayo magsisimba—promise,”
sagot ko. Iniwasan kong masambit ang “uli.” Ang ibig ko talagang sabihin ay: Basta’t
ganyan ka lang, magsisimba tayo sa Cathedral kahit araw-araw.
“You know, Love, it feels as if
matagal na tayong hindi nagkikita,” sabi niya. “It feels good to know you’re
always around.”
“Narito naman akong palagi,” sabi ko.
“The children too.”
“Darating na sila,” dugtong ko, “Seven
thirty siguro si Bunso.”
“Pinadalhan ako ni Grace ng mga bagong
pamphlet. Very interesting ’yung tungkol sa St. John’s wort. Andyan,
nasaan na ba—” dumukwang siya sa sahig. May inaapuhap sa ibaba ng makapal na
alpombra. Sinundan ko ng tingin ang bahaging pinaghahanapan niya.
“Stay put, ako nang maghahanap,”
sabi ko.
Bahagya akong tumingkayad at inapuhap ang
bahagi ng alpombrang sumuot sa ilalim ng sofa. Ang una kong nahawakan ay kaha
ng VCD na nang tingnan ko’y may pamagat na Lady Chatterley’s Lover. Ang
erotic na pelikulang hango sa nobela ni D. H. Lawrence.
“Aha! At ito pala’ng pinanonood mo
kanina!” nakangiti kong kantyaw habang iwinawagayway sa mukha niya ang kaha ng
VCD.
“Oh no! Not that! Hindi ’yan!
Hanapin mo d’yan sa ’baba!” nahihiya niyang sigaw.
Naapuhap ko sa silong ng sofa ang dalawang
pamphlet. Ang una ay may pamagat na napakahirap basahin. Ito ang una kong
inabot sa kaniya.
“Hindi ito! Ito ‘yung ACT—Alpha-1-antichymottypsin,
A Serine Proteinase Inhibitor,” napakadali niyang binasa ang pamagat. “Alam
mo kung ano ito? Ang pesteng ACT na ito ang kasama ng mga promotor ng beta-amyloid
para maging neurotoxic fibrils… Pero hindi ito, Love…”
Bigla kong itinapat sa mukha niya ang isa
pang pamphlet.
“Ayan! This is it—The Extract of St.
John’s Wort. Alam mo, Love, sa UK, tatlong daang katao were tested,
ang iba with the extract of St. John’s wort, ang iba with Seroxat—ang
iniinom ko, remember? Guess what? Lumalabas na mas epektibo daw ang
extract! At alam mo, Love, ang Seroxat, pareho ng Prozac, may side effects.
Di mo ba napapansin ang side effects sa akin?”
Tinitigan ko siya nang diretso sa mata.
May bahagyang ngiti sa kaniyang mga labi at tila nananabik na marinig ang
sasabihin ko.
“Kanina, ang naranasan ko’y side
effects ng Lady Chatterley’s Lover,” sabi ko.
“WHAT!!! WHAT DID I DO?” pabulyaw niyang
sagot, sabay takip ng dalawang palad sa namumulang mga pisngi. Namimilog ang
kaniyang mga mata at pinipigil ang paghagikgik. Nang hindi na makapagpigil ay
biglang yumapos sa akin at bumulahaw ng malakas na halakhak sa puno ng aking
leeg, umuuga ang buo niyang katawan. Masuyong inapuhap ko ang kaniyang
nakalantad pa ring batok. Hanggang sa ang pag-uga ng katawan niya ay nauwi sa
marahang indayog at humina nang humina. Natahimik siya.
Nang kumalas siya sa pagkakayakap sa akin
ay iniharap sa akin ang mukhang hilam sa luha. Ang sabi niya: “Love, if it
really gets me, I mean, kung hindi na talaga ako makawala dito sa
Alzheimers, at tuluyan nang hindi kita makilala, promise…”
Tinakpan ko ang kaniyang bibig ng aking
hintuturo at hinalikan ang kaniyang noo. Tuluyang dumaloy ang luha sa mata ko.
Pangalan: Abdon M. Balde, Jr.
Ipinanganak sa Busac, Oas, Albay
Nakatira sa #18
Dao St. Casimiro Village, Las Piñas City
e-mail kadunung@yahoo.com
Tinapos Bachelor
of Science in Civil Engineering
Ipinanganak sa liblib na nayon ng Busac,
Oas, Albay siya’y isang Bikolanong inhinyero na pagkatapos ng 33 taon sa
konstruksyon ay tumugon sa mapang-akit na tawag ng Musa ng Panitik. Kasalukuyang
nakatira sa Las Piñas City. Kasalukuyang Kagawad ng Lupon sa Wika at Salin ng National
Commission on Culture and the Arts (NCCA) at isang Direktor ng Unyon
ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Nanalo ng National Book
Awards ang kaniyang mga aklat na Mayong at Hunyango sa Bato,
nagawaran ng Rokyaw Ibalong Bikol
Achievement Award in Literature at nanalo sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang Maikling Kuwento.