Sangkomunidad

HUNTAHAN

HOME
HUNTAHAN
TAMPOK
AMBAG-AKDA
BATANG-SINING
RETRATUHAN
SANGAY PAMPANITIKAN
CCP HOMEPAGE
LINKS

TXTULA?
 

Ika-10 taong anibersaryo na ngayon ng unang pagpapakilala ng Globe sa lokal na telebisyon ng teknolohiyang hiyang hindi lamang pamamaraang pasalita kundi pasulat din.

 

Marahil, sa loob ng isang dekada, hindi rin nila akalain na ang munting katangian nilang idinagdag sa karaniwang teleponong bitbit ang magiging isa sa mahahalagang salik sa pag-unlad ng  ating ekonomiya.

 

Pati ng pag-uswag ng ating literatura.

 

Ito ang Short Message Service (SMS).

 

Mas bantog bilang text, ito ang naging paraan ng pagpapahayag ng isang lipunang maalalahanin ngunit hindi mahilig makiharap.

 

Kaya, hindi kataka-takang umabot sa humigit-kumulang 50 milyong mensaheng text ang nagsasalimbayan.

 

Ang bayang noon ay kapital ng pangingidnap ay naging kabisera ng pagtetext sa buong daigdig.

 

Katotohanang ito ang aking pinanghawakan nang magpanukala ako ng isang pagsuntok sa buwan na ang layunin ay dalhin ang prehispanikong panitikan sa kamalayan ng postmodernong mundo.

 

Textanaga na nga ito.

 

Isa itong patimpalak sa pagsusulat ng tulang apatan ang taludtod na ang bawat isa ay may tigpipitong pantig o ang tanaga na pinakamatandang anyong pampanulaan sa Pilipinas

 

Inampon itong proyekto ng Komite sa Sining Pampanitikan ng Pambansang Komisyon ng Kultura at Sining sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining noong 2003.

 

Walang gagawin ang sinumang sasali kundi ang itext ang matatapos ng tulang romantiko–dahil Pebrero nga ito isinakatuparan – sa mga telepono bilang sa mga poster at iba pang patalastas.

 

Umani kami sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Filipinas Institute of Translation (FIT), at LIKHAAN: The U.P. Institute of Creative Writing (ICW) ng 10,000 tanaga.

 

Subalit sa dinami-rami ng mga lahok, kailangang may dalawang unang gantimpala lamang kada linggo.

Narito ang walong patunay ng walong sumaling—itinanghal na Textmakata ng Linggo—sa buong buwan:

 

Nang ako’y nag-aabang

Ng tala’t bulalakaw

Bigla kang napadaan

At ako’y tinamaan.

- Mark John Abeleda

 

Ay! Masaganang payaw

Ang katawan mo, mahal

At bul-ol akong bantay

Sa mapintog mong palay.

- Danny dela Cruz

 

Ako’y si Juan, irog;

Bayabas kang matayog

Hihintaying mahinog

Hanggang sa ‘ki’y mahulog.

- Jonathan Francisco

 

Sa tapayang malalim

Tayo ay isda’t asin

Matagal buburuhin,

Patis  ang kakatasin.

- Mario Lamar

 

Puto lang ako, sinta—

May init ng bibingka,

Tamis ng maja blanca,

Sapin-saping ligaya.

- Don Clarence Cruz

 

Nag-almusal mag-isa,

Kaning-lamig, tinapa;

Nahulog ang kutsara

Ikaw na sana, sinta.

- Edgar J.C. Galang

 

‘Wag mong ipaumanhin,

Kung sunog ang sinaing,

Mas karima-rimarim

Ang malata mong tingin.

- Jonathan Bruzo

 

Binalot kong pagkain

Sa berdeng dahong saging.

Itlog, kanin at daeng

Sa iyo’y ihahain.

- Jarvis Buluran

 

Dahil sa tagumpay nito, nasundan ito ng Dalitext noong Agosto ng taon ding iyon at ang pagmamahal naman sa bayan ang naging paksa.

 

Buwan ng wika noon at ginantimpalaan kami ng 30,000 dalit na lahat patriyotiko.

 

Kung sa Textanaga, mga Jose Corazon de Jesus ang nagsipagwagi, sa Dalitext mga Huseng Batute naman nagsipanalo:

 

Napakasarap pakinggan,

“Mahal ko ang aking bayan.”

Mas sarap maulinigang

Ginagawa ang naturan

- Catalino Buenviaje

 

Langgam, langgam, kagatin mo,

Ang singit ng politico,

Asam, asam, aming boto

Pag nanalo, lustay-pondo!

- Joel Costa Malabanan

 

Ang punong mangga’y tinagpas

at sinilaban ang ugat;

bunga’y nalaglag, naagnas,

namulat naging mansanas.

- Vladimeir Gonzales

 

Kinakalambre sa lamig,

laging may ulang tikatik,

bayang parating may sakit,

iaangat ng pag-ibig.

- Frank  Rivera

 

Malayo man ako ngayon,

kaulayaw bawat alon.

Ako'y nalagas na dahon,

sa ibang bayan umahon.

- Roger  Endaya

 

Di pa hinog sa panahon,

tinutuka na ng ibon.

Bungang natakpan ng dahon,

sinusungkit na ng gutom.

- Ferdinand Bajado

 

Buhok man ay nagkulay tsok,

Lalamunan ma'y napaos,

Walang lubay sa paghubog

Ng magiging manunubos.

- Gregorio  Rodillo

 

Na-Gambala na ang tore

Mga kawal naturete

Kabayong walang hinete

Ang bansa ko’y mamamate.

- Myra Praxidio

 

Naging mas napapanahon pa ito dahil noon din sumabog ang di- inaasahang Oakwood Mutiny!

 

Kaya, mula sa apatang linya na may tigwawalong pantig hanggang sa tatluhan na may tigpipito ang iminungkahi ko.

 

Dionatext naman ang supling ng sumunod na taon.

 

Buwan ng Sining na naman at paggalang sa magulang ang naging tema.

 

Kung ang Dalitext ay nagluwal ng 30,000 dalit, ang Dionatext ay nagsilang ng 40,000 diona sa loob ng apat na linggo.

 

Maliban sa mga nagsisali mula malalayong probinsya, may mga nagtext ng mga lahok mula sa Qatar, Kuawit, Riyadh, Bahrain, at Hongkong. Nagpahayag ng kasiyahan ang pinuno ng mga hurado na si Dekano Virgilio S. Almario ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa Unibersidad ng Pilipinas.  Anang Pambansang Alagad ng Sining: “Nade-democratize ang panitikan dahil sa mga ganitong proyekto.

 

Matapos niyang mabasa ang mga lahok ang naitext sa loob ng isang buwan ng Dionatext, o higit pa sa triple sa dami ng sumali sa Textanaga, ito ang kanyang napatunayan:  “Lumalabas sa mga diona ang pambihirang pagpapahalaga ng mga Filipino sa kanilang pamilya at kahit naghihirap nagagawa pa rin nilang ipadama ang malasakit sa bawat miyembro nito.”

 

Ilan sa mga ito ang namukod-tanging patotoo:

 

Ang payong ko’y si Inay

Kapote ko si Itay

Sa maulan kong buhay

- Raymund Pambid

 

Aanhin yamang Saudi,

O yen ng Japayuki,

Kung wala ka sa tabi?

- Fernando R. Gonzales

 

Kung aso hinahanap,

‘Pag nagtampo’t naglayas,

Ikaw pa kaya, anak?

- Ferdinand Bajado

 

Lolo, ‘wag malulungkot,

Ngayong uugud-ugod,

Ako po’y inyong tungkod.

- Gregorio M. Rodillo

 

Pinaglalawang kanin,

Binudburan ng asin,

Dasal pa ri'y taimtim.

- Genaro R. Gojo Cruz

 

Paa ay lipak-lipak,

Sa maghapong paglakad,

May uwi lang sa pugad.

- Juancho de Jesus

 

Ngayong taong ito na saksi sa pamiminsalang likas at likhang-tao, minabuti ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining na gawing instrumento ang panulaan upang magdulot ng aliw at aral sa sambayanan.

 

Ito ang puno’t dulo ng Textsawikain.  

 

Di kagaya ng tanaga, dalit, at diona–ang sawikain, na tinatawag ding salawikain at kasabihan–ay ikinahon namin sa dalawang taludtod lamang na may tigwawalong pantig.

 

Ang limitasyong ito, sa halip, ang sakop na nagpalawak sa imahen at imahinasyon ng mga nangunang kalahok:

 

Si Narsiso ay natakot

Nang mapatitig sa ilog.

- Noel T. Fortun

 

Lunting puno, hanging lantay,

Purong tubig: simple’ng  buhay!

- Gregorio M. Rodillo

 

Naghihilod ba si Lam-ang

Sa pasig kaya masangsang?

- April Jade Imson

 

Apitong akasya’t nara

Huwag ilagay sa bulsa!

- Ferdinand Bajado

 

Pag Piedras Platas wala na;

Magdadalit ang Adarna.

- Rene Ayala

 

Handog Niya’ng  paraiso,

Huwag mong gawing disyerto.

- Ferdinand Bajado

 

"Nilalambat ko'y salinas,

Huli'y lata ng sardinas."

- Rolando P. Yape

 

Sirang payaw sa Banawe

Sumugat kay Idyanale.

- Remigio Alvarez Alva

 

Habang ipinapatupad ito sa buong kapuluan, mayroon ding katulad at kasabay na patimpalak sa mga rehiyon.

 

Textigmo ang sa mga Sebuwano (o ang pagtetext ng tulang may dalawang tuludtod na dapat magkasindami ng pantig) na pinangasiwaan sa Cebu at Davao.

 

Ang mga sumusunod ay ang mga pinakamahusay na tigmo sa Kabisayaan:

 

Mga mata maoy gipislat, ang agtang maoy nilurat

(Mga mata ang pinipisak, ang noo ang lumiliwanag.)

 

Sagot:  cellphone

- Betsy Ferolino

 

Samantala, sa Kamindanawan, dalawa ang naghati sa unang gantimpala.

 

Kung mugawas iyang sirad-an, kung muabot iyang ablihan.

(Pag lalabas, ito’y kanyang sinasarhan , pag darating, ito’y kanyang binubuksan.)

 

Sagot: pinto

- Dexter Murillo

 

Kon giinitan ka, lisoa sya/ kay bugnawng hangin iyang ibuga.

(Kapag naiinitan ka ito’y pihitin, at magbubuga ito ng malamig na hangin.)

 

Sagot: aircon

- Raul G. Moldez

 

Sa Iloilo, sa kabilang banda, Textpaktakon naman ang sa mga Hiligaynon (o ang pagtetext ng bugtong  na may tatlo o apat na linya na maaaring hindi magkatugma sa bawat saknong) at heto ang mga pinakamagaling na palaisipan:

 

Tarheta ko nga plastik

Subra pa sa magic

Ibag-id lang nakun

Bayad tanan nga balaklun.

(Tarheta kong plastik

Sobra pa sa madyik

Ikaskas ko lamang

Binili ko’y nababayaran.)

 

Sagot: credit card

- Marcel Milliam

 

Telegrama sang reyna

Mabaton insigida

Kun ikaw magsabat sa iya

Tagpiso kada padala.

(Telegrama ng reyna

Mabilis agad na nakuha

Kung sasagutin mo siya

Piso bawat padala.)

 

Sagot: text message

- Marcel Milliam

 

Wala nagapakilimos

Pero ginadahuan kwarta

Indi siya hari

Pero may trono sia.

(Hindi siya namamalimos

Pero inaabutan ng pera

Hindi siya hari

Pero may trono siya.)

 

Sagot: tsuper ng dyip

- Resurreccion Hidalgo

 

Indi hayop, indi tawo

Wara’t baba, wara’t ulo

Pero may bibig nga naganganga

Kon mangagat, gapabilin ang unto.

(Hindi hayop, hindi tao,

Walang baba, walang ulo,

Pero may nakangangang bibig

Kung mangagat, ngipi’y kumakapit.)

 

Sagot: stapler

- Genevieve Asenjo

 

Umido nga bombilya

Gina-tangisan sang kusinera.

(Pundidong bumbilya

Iniiyakan ng kusinera.)

 

Sagot: sibuyas Bombay

- Bryan Mari Argos

 

Sa tulong ng SMS, kahit paano, naipakilala nating muli ang Katutubo sa mga Kontemporaneo.

 

Natutuhan ng mga kabataan sa pamamagitan ng panulaan na lingunin ang pinanggalingan

 

Naikasal ng mga proyektong sinimulan ng Textanaga hindi lamang ang Noon at ang Ngayon kundi ang Sining at ang Agham.

 

Bukod pa ang Silanganin at ang Kanluranin.

 

Kung tutuusin, ito mismo ang karanasan ng Filipino.

 

Hindi lamang Filipino bilang tao kundi Filipino bilang wika, halimbawa.

 

Bagamat hindi pa rin matanggap ng ilan na ito ang wikang pambansa, patuloy pa rin ito sa paggigiit na hinding-hindi ito Tagalog lamang.

 

Hindi rin ito Bisaya o Ilokano.

 

Ni Ingles.

 

Sabi nga ng Saligang Batas: “Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito’y nabubuo, patuloy itong pauunlarin at payayamanin batay sa mga umiiral

na wika sa Pilipinas at iba pang wika. (Art.XIV, Sek. 6)

 

Kung kailan ba naman tayo nagtatagumpay sa pagpapaalala ng ating gunitang panlahi sa Gen X, o Gen Text, saka pa tayo magtataas ng kamay?

 

Para yumakap sa anumang banyaga?

 

Higit kailan pa man, napapanahon sa kasalukuyan ang istandardisasyon, intelektuwalisasyon, at popularisasyon ng Filipino.

 

Nagawa ng Textanaga at iba pa ang kanilang ambag sa matayog subalit maaabot na mithiing nabanggit sa pamamaraang ngangayunin.

 

Ngayon, kasama ba sa mga pangarap natin ang buong bansang Pilipinas at hindi ang Luzon, o ang Visayas, o ang Mindanao lamang?

 

Ang tugon sa tanong tungo sa pagdating sa paroroonan ay Textula.

 

O Txtula?

Literary Arts Division, 4th Flr., Cultural Center of the Philippines, Roxas Blvd., Pasay City 1300 Philippines
Tel. No. 832-1125 loc. 1706, 1707