Hindi ako agad nakasagot. Alam niya kasing mababaw ang aking luha. Kayang-kaya
nga akong paiyakin ng isang magandang pelikula. Pero pagkatapos kong marinig ang kuwento ng mga bata sa Quezon, hindi ako
makaiyak. Ewan ko kung bakit. Napagod ba ako? Na-drain sa narinig kaya walang mailuha?
O baka ang dahilan kung bakit hindi ako makaiyak ay sapagkat nasaksihan ko ang katapangan ng mga batang ito habang sila ay
naglalahad ng kani-kanilang kuwento? At ang tapang na ‘yun ay sumaakin na.
Aaminin kong hindi ko gaanong binabanggit ang tungkol sa Diyos sa aming
mga aktibidad. Nakita ko kasi sa kanilang mga sinulat na dasal sila nang dasal nang nagaganap ito. Lahat daw ay tumatawag
sa langit nang mga oras na iyon. Pero walang nangyaring himala. Paano ko ngayon sasabihin sa mga bata na kasama na ng Diyos
ang kanilang mga kaanak doon sa langit? Paano nila maiintindihan ang grasya ng Diyos samantalang kitang-kita nila kung paanong
walang-awang tinangay ng rumaragasang agos ang kanilang ama’t ina, lolo’t lola, at mga kapatid?
Pero hindi nawawala ang sampalataya ko sa mga batang ito. Alam kong pansamantala
lamang ang kanilang pagtatampo. Unti-unti, muli silang kakapit sa Diyos. Muli silang hahabi ng mga panalangin. Hanggang sa
tuluyang bumalik ang tiwala nila sa Dakilang Lumikha.
Natuwa ako na naiisip nilang iligtas, kung bibigyan ng pagkakataon, ang
mga gamit at uniporme nila sa eskuwelahan. Iisa lang ang ibig sabihin noon. Na ang sakunang nagdadaan sa buhay nila ay iniisip
nilang pansamantala lamang. Na matatapos din ang lahat ng ito. Na pagkatapos ng bagyo at baha, umaasa silang babalik sa normal
ang lahat. Muli silang papasok sa eskuwelahan, muling pupunta sa simbahan tuwing Linggo, at muling maglalaro sa plasa ng bayan.
Iisa ang mukha ng mga bata sa panahon ng sakuna. Hindi man sila nagbubukas
ng kanilang bibig, alam kong marami silang tanong na nakalutang sa hangin at nakasulat sa tubig. Pero hindi para sa akin ang
pagsagot dito. Gusto ko lang silang samahan at pakinggan, at iparamdam sa kanila na hindi sila nag-iisa sa karanasang ito.
Sabi ng isa kong kakilala, “may pambihirang spirit daw sa loob ng bawat nilalang, bata man o matanda, na di kayang buwagin ng kahit anong sakuna. Na kahit
daanan pa natin ang pinakamatinding trahedya, mananatili itong di natitinag.” Sa mga nagdaang araw na inilagi ko sa
Quezon, naramdaman ko ang sinasabing spirit na ito ng mga bata. Ito siguro ang
dahilan kung bakit sa lahat ng panahon, sa kahit anong sakuna, maraming bata ang nakakaligtas mula rito. Muli silang nakakaigpaw,
muling nagpapanibagong-sigla.
Mula sa mga batang napiit sa concentration
camp sa Terezin, hanggang sa mga batang nasa gitna ng digmaan sa Afghanistan, at hanggang sa mga batang dumanas ng landslide sa Quezon, ang mga bata ng sanglibutan ay hindi kaagad-agad sumusuko. Taglay
nila ang kapangyarihang makabangon at lampasan ang mga trahedyang ito ng sangkatauhan.
Sana’y masumpungan ni Bunso, at ng lahat ng bata sa Quezon, na
muling nakangiti na sa kanila ang buwan!
Nagkamit ng Unang Gantimpala, Sanaysay 2005
Don Carlos Palanca Memorial awards for Literature
balikan...