Tapok at Banlik
(sa pinakamahabang magdamag sa buhay ni Bunso)
ni Luis P. Gatmaitan, MD
“Putik
pong malinis ang karaniwang putik. Pero ang banlik
po ay putik na ubod ng dumi kasi’y galing sa bundok,” gayon ang paliwanag sa akin ng isang nanay sa Infanta nang
bisitahin namin ang lugar nila upang magsagawa ng art therapy sa mga batang nakaligtas
sa landslide. Paulit-ulit kasing nababanggit ng mga bata ang salitang banlik kapag
sila’y nagbabahagi ng kanilang kuwento. Akala ko, nakasanayan lamang nilang tawaging banlik ang putik. Gaya ng may iba-iba
tayong katawagan sa isang bagay sa isang partikular na lugar.
May pagkakaiba
pala ang putik at banlik. Akala ko, kasukdulan na ng dumi kapag sinabing putik. Naiisip ko ang kalabaw ng aking Tatang na
nakaugaliang maglublob sa putikan kapag tapos na ang maghapong pag-aararo. Hirap na kinukuskos ni Tatang ang katawan ng kalabaw
upang matungkab ang natuyong putik na nakakulapol dito. Pero may antas pa pala ng pagiging marumi. Mas marumi ang gumuhong
lupa mula sa kabundukan sapagkat dala-dala nito ang mga ugat ng puno, damo, kulisap, itlog ng ahas, at kung anu-ano pang alamat
at elementong matatagpuan doon.
Mula sa
mga guho ng Real, Infanta, at Nakar (na mas kilala sa katawagang REINA) sa Quezon, di na mabilang ang mga kuwentong narinig
ko. Mga salaysay ito ng pagkalubog at pagbangon mula sa banlik. Mga kuwentong marahil ay paulit-ulit na ikukuwento ng mga
batang nakaligtas para di nila malimutan ang mga ama, ina, lolo, lola, amain, tiyahin, pamangkin, apo, kapatid, kaibigan,
at kalaro na inangkin ng rumaragasang agos mula sa kabundukan isang gabing walang tigil ang pagbuhos ng ulan.
Aaminin
ko, may daga sa aking dibdib nang una kong makaharap ang mga batang nakaligtas sa trahedya. Nandu’n ang pangamba ko
na baka naiisip nilang ‘kay lakas naman ng loob ng mamang ito na tumayo sa aming harapan gayong hindi naman niya talagang
gagap ang tindi ng aming dinaanang tahedya.’ O baka naman ganito ang nasa isip nila: ‘hay naku, heto ulit ang
isa pang grupo na pakukuwentuhin na naman kami nang nangyari sa amin hanggang sa kami’y maiyak!’ Ewan ko ba pero
noong una, parang nahihiya akong tumayo sa harap nila. Pakiramdam ko ba’y napapalibutan ako ng mga taong higit pa ang
kakayahan kaysa sa ‘kin. Ang mga batang kaharap ko ay mga batang nakayang lampasan ang kahindik-hindik na delubyong
dumating sa Quezon! Hindi sila mga ordinaryong bata.
Sino nga
ba kami para makialam sa kanilang buhay? Dumating na lang kami sa kanilang lugar nang walang kaabog-abog. Pero inari nila
kaming mabuting kaibigan, waring mga piling panauhin sa isang magarang piging. Kapag ibinabahagi na sa amin ng mga bata ang
kanilang naranasang sakit o takot, ramdam kong ‘yun ang kanilang paraan ng pagsasabi ng ‘mahalaga po sa amin na
nandito kayo.’ Sa pagbubukas nila ng loob sa amin, nasaksihan ko ang dakilang himala ng pakikipagkapwa-damdamin.
Sabi ng
isang kaibigan ko, “ang mga bata raw ang nagsisilbing barometrong panukat ng isang komunidad. Kaya makabubuting pagmasdan
ang kanilang hitsura’t galaw, at mapakinggan ang kanilang sinasabi o di sinasabi.”
Totoo ‘yun.
Dahil paano nga ba maitatago ang nararanasang paghihikahos ng pamilya kung ang kilik na bata ay maputla ang balat, malaki
ang tiyan, litaw ang butuhing dibdib, at walang kislap ang mga mata? Paano nga ba maililihim ang bunga ng nagdaang sakuna
sa mga bata samantalang may mga gabing dinadalaw sila ng bangungot, pag-ihi sa banig, at pangangatal sa pagkaalala ng sakuna?
Mahirap lurukin ang kalagayan ng isang komunidad kung ang pagbabatayan ay ang sinasabi ng kanilang tatay, nanay, at iba pang
matatanda sa pamilya. Kayang-kayang kasing itago ng mga magulang ang lahat ng kanilang nararamdaman. Kaya nila kaming papaniwalain
na ayos lang ang lahat kahit hindi. Iba ang mga bata.
Sa Real ko nakita ang batang kamukha ni Frankenstein. Nang makilala
ko si Bunso, si Frankenstein ang unang pumasok sa aking isip. Paano kasi, punong-puno ng tahi ang kanyang ulo, batok, at leeg
(para talagang ‘yung karakter na si Frankenstein sa pelikula). Nangawit kaya
ang kamay ng mga siruhano nang inoperahan nila ang batang ito? Sangkaterbang pilat ang iniwang alaala ng sakuna sa mukha at
katawan ni Bunso.
“Nadaganan
po siya nang gumuho ang Repador Building,” paliwanag agad ng isang guro nang makita niyang waring nagtatanong ang aking
mga mata sa hitsura ng batang kaharap ko. “Hindi po siya nakita agad. Akala nga po nila ay patay na si Bunso. Mabuti’t
nadala sa Maynila para maoperahan ang nabasag niyang bungo.”
Mula noon,
tuwing titingnan ko si Bunso, nahahabag ako. Kung ako kaya ang nasa katayuan niya, makakaya ko kaya ang sinuong niya? Walang
sinabi sa mga tahing nasa mukha at ulo ni Bunso ang aking nag-iisang keloid bunga ng inoperahang sebaceous cyst sa aking likod.
E, paano pa kaya ang mga pilat ni Bunso na di ko nakikita? Pihadong nag-iwan ng malalalim na pilat sa kanyang murang puso
ang sakuna.
Kung nasa
ibang lugar lamang si Bunso, pihadong panay tukso ang matatanggap niya mula sa ilang pilyong bata dahil sa kanyang kakaibang
hitsura. Pero dito sa Real, walang nangahas bumiro kay Bunso. Siguro kasi’y ang karanasan ni Bunso ay karanasan din
ng buong bayan. Ang bawat isang tahi sa mukha at ulo ni Bunso ay nagpapalutang lamang sa kanyang katapangan.
Hindi sinasadya’y
naalala ko ang mga batang may kanser sa aming pagamutan. Sila man ay parang si Bunso rin sa maraming pagkakataon. Nasa isang
sitwasyon sila na kahit tayong matatanda na ay mahihirapan din. Hindi biro-biro ang diagnosis na kanser para sa sinumang kaanak.
Ang aming mga anghel, di pa man nakababasa ng alpabeto, ay hindi rin ipinuwera ng sakit na ito. Sinong magulang ang hindi
madudurog ang puso kapag nakita niyang tinitiis ng minumutyang anak ang hapdi ng turok ng karayom sa kemoterapi?
Pero kagaya
ng mga batang nakaligtas sa trahedya ng Quezon, ang mga bata ring ito ay di nawawalan ng pag-asa na gagaling sila. Kapag nasimulan
na ang kanilang kemoterapi, nagsisimulang malagas ang kanilang buhok kasabay ng pagpatay ng gamot sa mababagsik na cancer
cells. Pagkatapos, mistulang isang komunidad na na-wash out ang hitsura ng ulo ng aming mga paslit. Pero nandun ang pag-asa na maaaring malampasan nila ang sakit
na kanser.
Hitik sa
kuwento, games, at activity ang tatlong
araw na kasama namin sila. Nakatulong din na palagi kong bitbit ang aking digital camera.
Manipis kasi ito at maliit lang kaya madaling ilagay sa bulsa. Sa tuwing pipindutin ko ito, una-unahang nagpo-pose ang mga bata para sa ‘kodakan’. Pagkatapos ay titingnan din kaagad ang picture nila, magtatawanan o magtutuksuhan ayon sa nakitang hitsura sa kamera. Minsan nga ay sila pa ang nagpiprisintang
magpakuha ng litrato. Agad kong nakuha ang loob nila. Laking pasasalamat ko sa aking digital
camera. Nakapasok ako sa mundo ng mga bata nang di sinasadya. Sa bawat klik ng kamera, palapit nang palapit ang loob namin
sa isa’t isa.
Noong unang araw, sinadya naming huwag munang sumalat sa trahedyang sinapit nila. Gusto lang naming magbukas sila
ng kanilang mga sarili. At dahil mga lupa at banlik ang tumabon sa kanilang mga bahay at buhay, ninais namin na sa pagpapakilala
nila sa kanilang sarili ay dumampot sila ng isang bagay mula sa paligid na kumakatawan sa kanila. Gusto naming bumalik ang
tiwala nila sa bundok, lupa, puno, at bato.
“Kagaya po ako ng batong ito,” pakilala ni Cynthia. “Ang ibig ko pong sabihin, matibay po ako,
hindi kaagad madudurog. At saka, noong tumatakas po kami, mga matitigas na batong kagaya nito ang hinahanap naming tuntungan
para hindi kami malubog sa banlik.”
May mga dala rin kaming librong pambata para ikuwento. Subalit sa bawat kuwentong isinasalaysay ko, humuhugot
sila sa nagdaang sakuna upang idugtong sa aming kuwento. Kung tutuusin, walang
kinalaman sa bagyo o baha ang isang kuwentong isinalaysay ko. Tungkol ito sa pagmamahal ng isang sapaterong ama sa isang anak
na ipinanganak na putol ang dalawang paa. Sa naturang kuwento, palihim palang gumagawa ng sapatos ang ama upang ialay sa anak
niya. Kapag nalalapit na ang kaarawan ng bata, pilit na iniimadyin ng ama ang lumalaking sukat ng paa ng anak niya. Ngunit
lingid sa kaalaman ng ama, napapanaginipan pala ng anak na walang paa ang mga sapatos na nililikha para sa kanya sa tuwing
bisperas ng kaarawan niya.
Matapos ang pagkukuwento, hiniling ko sa mga bata na lumikha ng isang pares ng sapatos para sa bidang batang babae
sa kuwento, at kailangang kumbinsihin nila ako na ang kanilang sapatos ang dapat kong piliin. Nagulat ako nang makitang karamihan
ay bota ang iginuhit. Yung isang grupo ay nagdrowing ng botang may mataas na takong. Yung isang grupo pa ay gumuhit ng sapatos
na convertible sa bota at ipinagdiinan pang ang sapatos nila ay water-resistant. Kasi raw, nang mga sumunod na araw matapos ang sakuna, mga bota na ang kanilang sapin sa paa.
Natuwa ako na iginawa nila ng pambihirang bota ang batang bida sa libro. Ayaw raw nilang marumhan ng banlik ang bago nilang
kaibigan.
Iniiwasan ko pa sanang banggitin ang nagdaang sakuna. Sa isip-isip ko, tatalakayin namin ito sa mga susunod pang
araw. Pero ipinahiwatig na nilang handa na silang harapin ang kani-kanilang kuwento, katunayan ang mga iginuhit nilang sapatos
na pambaha.
Tinanong namin ng kasama kong facilitator kung ano ang limang mahahalagang
bagay na ililigtas nila sakaling may mangyaring sakuna. Maraming sumagot na ang ililigtas nila ay ang kanilang uniporme at
gamit sa eskuwelahan (na para bang magkakalakas-loob pa ang mga prinsipal ng mga eskuwelahan na ideklarang may pasok kinabukasan).
‘Yung iba, TV at pridyider ang gustong iligtas, na siyempre pa’y sinundan ng tawanan. Kahit yata sanrekwang adrenaline ang ipundar ng katawan, hindi kakayanin ng mga paslit na ito na buhatin
ang kanilang pridyider!
sundan...