Petsa at Oras...
![](sitebuildercontent/sitebuilderpictures/pinwoodgear.gif)
Tayo ay isang lahing ayaw makipagtuos.
Kaya isinilang ang EDSA Uno at Dos na ang mga pangunahing kalahok ay mga relihiyoso at iyong tinatawag na civil society. Nadidisarmahan ang mga uring mandirigma, ang mga sundalo,
sa ngalan ng kapayapaan at ng pagkakaisa para wakasan ang mga rehimen ng mga mandarambong, sang-ayon sa panukala ng namamayaning
pulitika. Ang tinatawag na EDSA Tres para sa akin ay isang pangitain lamang, ng potensyal ng maliliit na makipagtuos sa naghaharing
uri, na nagpapaalala sa atin ng mga pagkilos ng mga mamamayan sa kasaysayan, halimbawa, sa Pransya, nang ihatid ng mga Parisiano
sa malagim na wakas ang monarkiya rito. Ang kahinaan ng EDSA Tres ay dahil napulitika ito.
Pinaniwalaan ng marami na ito’y isa lamang pakana ng mga maka-Erap, at ang mga taong sumugod sa Malacaņang ay
mga bayaran at nasa impluwensya ng droga, isang apela sa ating pagka-moralista, kaya nakapamayaning muli ang naghaharing uri
sa pangunguna ng Pangulo na galit na galit na ipinatugis sa mga pulis at militar ang mga lumahok sa inamin niyang isang “state
of rebellion” doon sa mahihirap na komunidad ng Kamaynilaan. Muli, nakita ng bansa ang larawan ng maliliit bilang mga
taong walang sariling pag-iisip, nasusulsulan, nababayaran, mararahas, mga bastos at walang galang. Dinampot sila isa-isa,
sinaktan ang iba, at pila-pilang iniharap sa sambayanan at sa midya na tumulong pang lalong lumitaw ang gayong mababang pagkatao
ng mga maralita. Ipinamukha ng mga kuhang larawan na ang mga dayukdok ay hindi maaaring pagtiwalaan sa mahahalagang desisyong
pambansa, at ang mga nakabihis-disente, mababango at nakapag-iingles ang dapat pakinggan at paniwalaan. Kabaligtaran ng EDSA
Tres ang senaryo nang sumugod sa Kongreso ang mga abogado at iba pang mga edukadong nakabihis ng eleganteng itim sa kainitan
ng araw, upang tutulan ang impeachment ni Davide. Wala isa mang pulis na humarang
sa pulu-pulutong na mayayaman na noo’y lumagpas sa itinakdang distansya ng PNP. Dahil sa presyur ng malalaking tao,
binawi ng mga Kongresman ang kanilang mga pirma, hindi naisalang sa paglilitis si Davide, at hindi na muli pang binuklat ang
tungkol sa maling paggasta sa pondo ng hudikatura; hindi na rin muling napanood sa TV ang butas na upuan, ang sirang mesa,
at ang lumang computer na singbagal na ng takbo ng ating hustisya.
Sa matagal na panahon, hindi
pa tayo nakalikha ng sistema na tunay na mag-aangat sa kabuhayan ng maliliit. Hanggang ngayon, kumikilos at nag-iisip pa rin
tayo sa buntot ng cold war o yaong ligalig na dulot ng tunggalian ng Demokrasya
ng US at ng Komunismo ng USSR. Hindi pa rin natin tinatangkilik sa ating demokrasya ang sistemang pang-ekonomiya na idinulot
ng impluwensya ng Komunismo sa ikatlong bahagi ng populasyon ng mundo, kabilang na ang Europa at Amerika. Ang ating mga manggagawa
ay patuloy pa ring nakikipaglaban para sa mas mataas na sahod katumbas ng kanilang malaking pagod, na katumbas din ng kakayahang
bumili ng mga pangunahing produkto at bumayad ng mga pangunahing serbisyo. Ipinagmamalaki pa ng ating gobyerno na papaboran
ang bansa ng mga dayuhang mamumuhunan dahil sa “cheap labor” at muli,
ang “kakayahang mag-ingles” ng mga Pilipino. Bakit ba handang gumastos nang malaki ang ating mga kababayan upang
makipagsapalaran sa ibang bansa? Madali ang sagot: malaking kita. Dahil kahit ang pinakamabahong trabahong “hindi ginagamitan
ng isip,” gaya ng pagiging basurero, ay binabayaran ng mas malaki kumpara sa katulad na trabaho dito. Oo, nagtitipid
sila roon, pero tayo’y lalong tipid na tipid dito, at ang natitipid nila’y bumubuhay sa kanila roon at sa kanilang
mga pamilya na naririto, samantalang ang isang basurero sa Pilipinas ay maaaring magpakamatay na lamang para mabuhay ang kanyang
mga kasambahay. Ilan na bang Pilipino ang hindi naman nakatapos ng pag-aaral at mula sa mahirap na pamilya, pero nang mabigyan
ng pagkakataong tumuntong sa Amerika, o sa Europa, o sa Japan, ay umigi ang buhay at maituturing na ring mayayaman? Bakit
hindi maibigay ng ating lipunan ang pagkakataong naibibigay ng ibang bansa, at ni hindi tayo tagaroon, hindi ba? Ano ang mayroon
sa isang gobyerno na wala naman sa isa? Madaling sabihing mayamang bansa kasi. Pero may gumawa na ba ng pananaliksik tungkol
dito? At kung ito’y magawa natin, paniniwalaan ba natin ang ating matutuklasan? Na ang pagkamakabayan, pagsasarili at
soberanya ang siyang magbibigay sa atin ng respeto bilang isang lahi, ng tiwala at pitagan ng kapwa bansa, ng paninindigan
para sa mas benepisyal na bahagi ng isang kasunduan, ng pagkatao at disiplina… ng kaunlaran. Sa isang banda’y susubukan ba nating alamin? Lalo’t ang mananaliksik ay kabilang din sa uring
malalaki, na kontento na sa kanyang buhay, may pera na, may pangalan, at hindi apektado ng mataas na presyo ng galunggong,
ng strike ng mga tsuper, at ng milyun-milyong pisong ginastos ng gobyerno sa pagbisita ng Pangulo ng Amerika. Na ang tingin
sa sentimyento ng bayan ay mababaw at di-intelektwal na salitaan. Na nagpipiyesta sa ideya ng Kanluran sa mga biniling libro
na ipinagmamalaking talakayin sa mga kaibigan sa mga sikat na café at sa mga launching
ng kung anu-anong eksibisyon ng mga elitista’t eclectic na mga artista.
Bunga rin ng ating indesisyon
bilang isang bansa, ng pagsasaisantabi ng ating soberanya sa ngalan ng pakikipagkaibigan sa mga dayuhan, ang ating kategorikal
na pag-iisip. Komo ito ang sinabi ng inaakalang mas magaling at nakatataas, iyon din ang inuulit-ulit natin na tila isang
sagradong orasyon na kapag ibinulong mo sa midya ay sisikad ng takbo ang ekonomiya, gaya ng GATT, War on Terrorism, VFA, at
kung anu-ano pang preskripsyon ng dakilang nasyon ni Uncle Sam. Dahil sa malaking impluwensyang ito ng Kanluraning Demokrasya,
lahat ng tumutuligsa sa kasalukuyang kaayusan (o kaguluhan) ay binabansagang Komunista, o pulahan, o maka-kaliwa, kahit pa
nga ni hindi makumpirma ang koneksyon ng mga grupong ito sa organisasyon, ni sa diwa ng CPP-NPA. Paano ngang marereporma ang
ating lipunan, kung gayon? Kung ang tinatanggap lamang natin sa ating demokrasya ay ang naīve
na mga pahayag ng administrasyon tungkol sa pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran? O kung ano lamang ang naaayon sa interes
ng Amerika? Isang lumang tugtugin na mahabang panahong pinakikinggan. Kailan ba huling binanggit ng gobyerno ang Japan? O
ang China? Ang European Community? Mga bansa at rehiyon na kung tutuusin ay may mas malaking potensyal na makatulong sa ating
ekonomiya bilang mga partner at hindi panginoon. Hindi lamang ang makatulong sa ating militar, o sa pagpapanatiling ligtas
ng kapuluan laban sa mga terorista at sa mga sutil na mamamayang Pilipino na hindi makiayon sa tiwaling gobyerno.
![](sitebuildercontent/sitebuilderpictures/eagle-right.gif)
Pasaan na, kung gayon, ang uring
maliliit? Sino ba ang kanilang tatakbuhan? Si Ka Roger ba? Gaya ng ginawang pananawagan sa kanya ng kanyang mga kababayan
sa Batangas upang mapipilan ang malawakang bilihan ng boto, dayaan at ang pamamalagi sa puwesto ng isang angkang tiwali, may
kontrol ng mga ilegal, ng karamihan sa malalaking negosyo, at malalawak na lupaing industriyal ng CALABARZON. Isa muling kabalintunaan
ito, na magawa ng NPA para sa demokrasya ang hindi magawa ng PNP o ng AFP: ang gawing malaya at makatotohanan ang pagboto
ng sambayanan. Paano nga wawakasan ang insurhensya kung nagtatanim ito sa puso ng taumbayan, hindi ng bala, kundi ng pag-asa?
Ang pag-asang maging parehas ang larangan para sa malaki at maliit. Kung papipiliin mo nga ang mga mamamayan sa pagitan ng
kudeta ng militar at ng rebolusyon ng komunista, malamang na mas handa pa silang yakapin ang pangalawa. Hindi kasi malinaw
kung anong uri ng gobyerno ang itatayo ng isang military junta, at ano ba ang junta, sa isang banda? Hindi gaya ng kudeta
na madaling nakapasok sa bokabularyo ng mga Pilipino, hindi natin maisip-isip ang hugis at kulay ng junta… “hunta?”
Pinasama pa ito ng alaala ng militarisasyon ng ilang rehiyon sa ilalim ng Batas Militar. Kaya nang maganap ang sensasyonal
na Oakwood Mutiny, at maging ang naunang ilang episode ng kudeta ni Gringo sa panahon
ni Cory, hindi nakilahok ang taumbayan, bagama’t sa isang pananaw ay isa ring kudeta ng RAM ang naganap noong 1986 na
nagkaloob sa mundo ng milagrong tinawag na EDSA. Tayo kasing mga Pilipino, kapag mapapatay na, “yaina!” Kaya di
bale nang dehado ang mahirap sa isang kapitalistang ekonomiya, “basta masikap ka lamang, makakaraos din, kaysa magmistula
tayong mga robot na sunud-sunuran sa nakatataas at kapag nagkamali’y manganganib pa ang buhay.” Ito’y resulta
na rin ng kamangmangan, ng kawalang kakayahang magsuri, pumili, at magdesisyon. Hindi laging tama ang ating paghusga, at malimit,
ang pananaw natin ay depende sa kung saan o kanino tayo.
Paano natin bibigyang solusyon
ang lahat ng ito? Kanino manggagaling ang pagbabago? Kung mapalitan natin ang liderato na anila’y walang pakundangan
sa paggamit ng resorses ng gobyerno para sa sariling ambisyong pulitikal, at halimbawang ang papalit ay tunay na malinis,
ang tatawaging “mesiyas” na tutubos sa bansa sa karukhaan at kabulukang moral, makikisama kaya sa kanyang mga
hangarin ang sistema na hindi na natin gagalawin, at tila sa isang milagro, siyang pagmumulan ng kagalingang panlahat? Makikisama
rin kaya ang lahat ng Pilipino? Posible bang talaga na magbagong-loob ang may 85 milyong kaluluwa? Magagarantiyahan kaya ng
isang matatag na ekonomiya sa isang lumang sistema ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa? Ang pag-unlad ng buhay ng mga maliliit
upang makapantay sa kayang abutin ng malalaki? Isang lipunang tuluyan nang mawawala ang maliliit, at lahat ay magiging malaki?
Pero sa palagay ko’y sadyang may depekto ang sistemang ito, gaya ng una kong binanggit, na “baka” ito’y
binuo ng malalaki para sa kanilang kapakanan. Kung sumulong man tayo sa isang kapitalistang ekonomiya, hindi ba ang may hawak
ng kapital ang siyang unang benepisyaryo? Kung gayo’y walang garantiya na matatahimik ang maliliit, magpapatuloy pa
ang sigalot, ang tunggalian ng mga uri, at lagi nang ang Pangulo ang isasakripisyo ng malalaki—dahil marahil sa kanyang
pag-abuso sa kapangyarihan, sa kanyang kawalang-alam, sa kanyang pandarambong. At lagi nang mapupulitika ng malalaki ang diwa
ng maliliit na nakararami, na maniniwala sa mga suplong at bintang, sa mga moro-morong pag-aaklas at sa mga pagsasakdal na
paulit-ulit isasadula at uukilkilin ng mga mamamahayag at historyador. Maaari pa kaya nating asahan, kung gayon, ang isang
rebolusyon na magmumula sa maliliit? Isang EDSA Kuwatro?
Kung totoo ang mga ispekulasyon,
sa loob ng susunod na dalawampung taon ay malabo pa tayong makaahon, matritriple ang kasalukuyang bagsak na kalagayan ng piso
kontra dolyar, lalong mamahal ang inaangkat na langis, at magkakaroon ng kakapusan sa enerhiya at sa tubig, at kung mangyari
na ito, kung mas humirap pa ang buhay kaysa sa nararanasan natin ngayon, kung maging mas tiwali at pabaya ang gobyerno, at
mas agresibo ang mga nagbabangon, kakayanin na kaya ng maliliit ang inaawit-awit na “mamatay nang dahil sa iyo?”
May apoy na kaya ang puso ng mga Pilipino sa panahong iyon? Maninindigan na kaya sila? O tatakbuhan din nila ang dakilang
pananagutang baguhin ang lipunan, gaya ng ginawa ng kanilang mga magulang, dahil—baka sila mapatay?
Sa palagay ko’y kaya pa
ng maliliit na mabuhay sa kaunti nilang tinatanggap, kaya maliit ang tsansa ng isang matagumpay na rebolusyon sa Pilipinas.
Hindi kasi sila pinapatay ng sistema, o sadyang binubuhay sila na parang mga patabaing baka (buti nga kung pinatataba!), bilang
mahalagang bahagi sa tuloy-tuloy na pag-ikot ng makinarya ng malalaki, isang piyesang nilalangis-langisan magkaminsan kapag
umiingit na, para umikot muli, pasalin-salin sa susunod na mga henerasyon ng uring maliliit, kapalit ng sahod na itinatakda
ng malalaki, ng mga may hawak ng kapital, na ang propetaryo ay pasalin-salin din mula sa kanilang mga anak hanggang sa kaapu-apuhan.
Buhay ang puhunan ng maliliit para mabuhay, at maraming nawawaglit at nasasayang sa matagal nilang pagsusumikap na magdugtong
ang katawan at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit kailangang mabago ang sistema upang gawin itong makatao. Upang mangyari
ito’y mangangahulugan ng sigalot, sapagkat hindi papayag ang malalaki na bitawan ang malaking bahagi ng tubo ng produksyon.
Hayaan mo akong dalhin pa sa sukdulan ang aking pagbubulay-bulay na ito. Halimbawang huminto ang produksyon sa isang biglaang
welga, at ito’y nangyayari na sa kasalukuyan, gaya ng pagparalisa ng mga tsuper sa transportasyon, gagamitin ng malalaki
ang mga tiyak na ahensya ng gobyerno, ang legal na bahagi, upang pabalikin ang maliliit sa pamamagitan ng isang kompromiso.
Ang isyu pa rin ay mataas na sahod, at magiging mas agresibo ang maliliit sa panahong iyon upang hingin ang kanilang kabahagi
sa tubo ng produksyon. Pagpasok ng gobyerno sa usapin ay magiging pulitikal ito, at lalala ang sitwasyon dahil papanig ito
sa malalaki upang maisalba ang dumadausdos na ekonomiya. Kung magmatigas ang maliliit at lalo pang lumaganap ang paghinto
ng produksyon sa iba’t ibang panig ng bansa, gagamitin ng gobyerno ang pulis at ang militar; hahawak ng armas ang maliliit
upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at ang kanilang ipinaglalaban na unti-unting nagkakahugis, at magiging sibil ang
komprontasyon. Kung papasok sa eksena ang CPP-NPA upang pangunahan ang maliliit, na isang napakalaking posibilidad, magiging
ideolohikal ang laban. Maaaring makialam ang Amerika, na isa pang napakalaking posibilidad. Matagal na panahon nang nakikialam
ang Amerika. Magdadalawang-isip naman ang oposisyon at ang iba pang mga pulitiko, dahil baka lamunin sila ng maliliit. Samantala,
gagawa ng sariling gulo ang mga batang opisyales ng militar, dahil makikita nilang sa wakas ay dumating na ang kanilang pagkakataon,
na siyang hahati sa puwersa at atensyon ng gobyerno. Ang paglahok ng makakaliwa at ng makakanan at ng Amerika sa pagbabangong
ito ay magpapatagal sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan. Pero tiyak na babagsak ang gobyerno sibil, at maaaring ito’y
huli na sa lahat ng mahahalagang pagbabangon ng lahing Pilipino. Ang maliliit, sa panahong iyo’y mga rebolusyonaryo
na, pinakikilos ng isang makakaliwang ideolohiya na nangangako ng pagkakapantay-pantay, at armado ng kahandaan, disiplina
at diwang repormista ng makakanan, ay babaling sa natitirang target, ang Amerika. Iyon na ang magiging ultimong komprontasyon,
ang laban ng lahat ng laban, ang katubusan ng napasanlang kaluluwa ng Pilipino. Sa panahong iyon, aakayin tayo ng kasaysayan
pabalik… pabalik—mula sa pagdalaw ni George Bush, VFA, giyera sa Iraq, 9/11, US Bases, Marcos, Cold War, hanggang
sa kamatayan ni Magsaysay, kasarinlan sa Hulyo 4, digmaan sa Pasipiko, Komonwelt, hanggang sa huling yugto ng himagsikang
Pilipino, sa deklarasyon ng kasarinlan ng 1898, at sa kasunduan sa Paris—nang bilhin ng Amerika mula sa Espanya ang
ating tadhana bilang isang bansa.
Nakakatakot isipin, pero wala
tayong pagpipilian. Sa palagay mo ba’y paano lulunasan ang kasalukuyan nating kalagayan? Nang matahimik? Nang hindi
tayo malalagay sa panganib? Na basta tayo gigising isang umaga, at bago na ang lahat? Sa pamamagitan ba ng salamangka ng Diyos?
Marami pa tayong dapat matutuhan
bilang isang lahi, kabilang na ang pagpapakasakit. Habang walang katiyakan ang lahat, ang lahat ay pwedeng mangyari...
At kung marinig mo na ang matitigas
na labi ng mga trompa sa labas sa wari’y lagi nitong pagtutungayaw, habang nag-aanunsyo ng kung anong hindi agad mawawaan,
makinig kang mabuti, at tibayan mo ang iyong dibdib.
(balikan...)
|