John Enrico C. Torralba

 

 

 

PAG-IBIG SA ALON

           

                        “Akala ko’y di ko maiibig ang dagat.”

                         - mula sa TAKOT SA TUBIG ni Rio Alma -

 

Minsan ko nang inibig ang alon.

Ang kanyang pagdampi sa labi

Ng dalampasigan ay lubos

Na pagtangi sa bato at buhangin.

Sa tuwing siya ay dumarating,

Lagi siyang may handog

Na taludtod ng tilamsik at ginhawa.

Kaya minsan, sa muli niyang pagdalaw,

Siya ay aking inangkin,

Siya ay aking inaruga

At ipinaghele sa aking mga palad.

Ngunit sa bawat pagbubuntis ng buwan,

Nararamdaman kong

Ang pananatili niya sa aking piling

Ay panunuyo ng kanyang tinig.

Ayaw kong mawala ang awit ng alon

Kapag sinusuyo ang dalampasigan

Kaya minabuti kong masdan na lang

Siyang lumilisan pabalik sa dagat.

Mula noon, natitik sa aking isip

Na hindi para sa akin

Ang pagmamahal ng alon.

 

 

4 Marso 1997

 

           

 

 

GUNITA SA APLAYA

 

Noon, laging may pangamba

Ang pagtanaw ko sa aplaya.

Bumibigat ang aking buhok

Sa alat na dala ng hangin.

Nagsusugat ang aking mga mata

Sa pagparoo't parito

Ng mga alon; nagugunita ko silang sugo

Ng mga balyena't dambuhalang-dagat,

Patuloy na inaangkin ang dalampasigan.

Kaya minabuti kong

Huwag maghandog ng sulyap.

 

Ngunit sa ganitong pangamba

Tayo nagtagpo.

Habang ako'y papalayo sa suyuan

Ng tubig at buhangin,

Dumating kang tinataludtod

Ng iyong tinig ang mga alamat-dagat.

Ako'y naakit sumulyap.

Nalaman ko, may kilapsaw

Ang mga kabibe't may nagtatagong bahaghari

Sa sinapupunan ng mga korales.

Malamyos ang haplos ng simoy

At may pag-anyayang salukin

Ang dagat sa buwan.

 

Nang ang lahat ng pag-iral ay yumakap

Sa aking pandama, hinila mo akong

Patungo sa tabsing at nawala.

Naiwan akong nakatayo sa paulit-ulit

Na pagsilang ng mga bula

 

 

1995

 

 

 

 

 

KUNDIMAN NATIN

 

Ngayong gabi, tayo'y lumikha ng tulang

Oyayi sa anak na himbing sa dampa,

Tulang may pagsuyo sa dibdib ng kabyak,

Tulang hindi kapos sa puso't pagliyag.

 

Dapat na banggitin ang mga panahong

Baon ang rekwerdo ng kanilang bulong

Habang nagtatanggol ng laya at isip

Laban sa marahas at bakal na bisig.

 

Huwag kalimutan ang mga hilahil

Ng mga kasamang nais ding maghain

Sa kanilang mahal ng paglayang mithi

Kahit na madapa, madahas, masawi.

 

Kailangan nating ito'y ipaalam

Sapagkat kasama sila sa tagumpay.

 

 

Hunyo 2001