soliman agulto santos

 

 

Oda sa Sagwan

 

kapirasong dahong may tangkay

kung saan-saan mo ako tinatangay

 

ikaw, kapirasong kahoy

na hugis dahon,

kung wala ka’y wala

akong direksiyon

 

paano makatatawid

ang aking bangka

kung hindi kita hahawakan

at igagaod sa ibabaw ng ilog,

 

at paano makakauwi?

kung wala ka,

maitatawid ba ng kamay ko lamang

ang gutom ng mga anak ko’t asawa?

 

kapiraso ka lamang,

ngunit ang silbi mo

ay sinlaki ng karagatan.

 

 

 

 

Palapat

 

Tingnan mo nga naman,

nandiyan ka pa rin -

matikas na palapat.

 

Tuwing makikita kita, gaya ngayon,

hindi maiwasang umagos ng mga alaala.

Ikaw pa rin iyan.

Ang malalabay mong sanga,

ang malalagong dahon.

Diyan ako naglalambitin noon,

tapos ay ibabagsak ko ang katawan 

sa maligamgam na tubig.

Natatandaan mo pa siguro,

nang minsang nagpasikat ako

sa mga babaeng taga-Maynila,

dumaib ako mula sa iyong sanga

pabulusok sa tubig kahit masakit.

Mabuti at hindi ka nabalian ng sanga

kundi baka ako’y napahiya pa.

 

Kaibigan kita, hanggang ngayon.

May ibang bata nang naglalambitin

sa iyong mga sanga. 

Makakaya mo pa kaya ako ngayon?

Nahihiya akong umakyat sa iyo

at muling tumalon sa tubig.

Siya nga pala, kasama ko

ang aking mga anak na dalagita,

nakapangasawa ako ng taga-Maynila,

nakikita mo siguro sila ngayon.

Hindi ko alam kung sa iyo sila

nakatingin o sa mga batang nakalambitin

sa iyong mga sanga at nagpapasikat

sa mga babaeng taga-Maynila.

 

 

 

 

Ang Ilog Namin

 

Nagbibigay ka ng buhay.

At kumikitil din.

 

Sa sinapupunan mo

nangangapa ng kabuhayan

ang taong naghahanap ng maiuulam.

 

Sa maligamgam mong tubig

inilulunod ng mga bata

ang init ng katawan kung Marso.

 

Sa ibabaw mo

dumadaan ang bangka ng mangingisda

papunta sa kabilang ibayo.

 

Kapag tag-ulan

ika’y patubig na nagbibigay-buhay

sa mga palay.

 

Ngunit sino ang hindi natatakot

kapag rumaragasa ka kung may bagyo?

Umaapaw ka’t dumadalaw sa loob

ng aming mga bahay.

 

Sinong makakalimot

nang minsang tangayin ng mabilis mong agos

ang isang binatang  nagtangkang tumawid

palangoy sa kabilang pampang

upang makapangisda?

 

Paano ka namin pakikitunguhan?

Nagagalit ka ba o natutuwa

pag pinapakita mo ang lakas ng iyong ragasa?

Sinisisid ka ng mga mangingisda

ngunit nagtataka ang lahat kung gaano ka kalalim.

 

Kapag ika’y payapa,

dapat ba kaming mapanatag?

Bakit kung minsa’y ayaw mong magbigay ng isda?

 

Dakilang Ilog,

gaano ka kalalim?

Nagbibigay ka ng buhay

at kumikitil din.

 

 

 

 

Mangingisda

 

Ang patak ng  ulan ay pintig

ng puso ni inang hindi mapakali

sa tuwing hahagupit ang hangin

at papasok ang anggi

sa bawat butas ng dingding

na kanina’y kinukumpuni ni ama

bago pumalaot sa dagat.

 

Ang patak ng ulan kasi’y

maaaring isang bulag na buhawing

nagpapakatag sa bangkang ang lulan

ay panganib at pangamba

sa isang balisang mangingisda

na walang hangad kundi manghuli

ng tatlong subong kanin.

 

 

 

 

 

Sa Aking Ina

 

Kung tutuusi’y maaari kang umupo

humalakhak o sumimangot sa trono

gaya ng ibang inang nagsusungya

habang hawak ang anak at nagpapasuso.

Gusto mo sanang kumustahin ang hari

at damhin ang dulas ng alas na oro,

makipag-espadahan sa sota

o kaya’y sumakay sa bastos na kabayo.

 

Danga’t naalala mo ang lata ng biskwit na bigasan

na bukod sa luma na ay wala pang laman,

at kung gusto ni ama ng paborito niyang kape

paano kung ubos na pala ang asukal?

A, kailangan ng dobleng pagtitipid

pagkat ang bunso mo’y kukuha ng eksamen

(gusto mo sana siyang pag-aralin),

kailangan mong magtinda ng isda

habang si ama’y abala sa pamamalakaya.

 

 

 

 

Oda sa isang bagong timba

 

nakasakay kita sa dyip

minsang galing ako sa Malolos

bitbit ng isang aleng inaantok

tinitigan kita

at sa tingin ko’y nakatitig

ka rin sa akin

maganda ang kulay asul mong kabuuan

at kumikintab ang bakal na tatangnan

waring hindi ka kumukurap

at nagmamalaking sinasabi sa akin

ako ay isang bagong timba

maaari akong magamit sa paliligo,

maaaring imbakan ng bigas

pagkat bago ang aking takip

maaari rin akong gawing lalagyan

ng isdang ilalako sa kung saan

tama ka, kaibigang timba

at diyan ay nagpupugay ako

sa iyo, munting timba

gusto ko ring sabihin

sa iyo na kahawig mo

ang lumang timba ni inang

na kasa-kasama niya

sa iba’t-ibang lugar

sa paglalako ng isda

para kami’y kanyang mapakain.

 

 

 

 

 

Manunukot

 

kabisado niya ang gubat ng sasahan

alam niya kung nasaan ang mga lungga

ng alimango, saan man sila magtago;

sa gilid ng pilapil, sa ilalim ng kulumpon

ng mga patay na dahong sasa

sa ugat ng mga puno at kawayan-

saan man magtago,

tinutugis ng manunukot ang alimango

gamit ang kapirasong bakal at kawayan,

mas mahalaga ang lakas ng loob

talas ng mata at gaspang ng kamay

upang di masipit ng alimangong nagagalit

kailangan niyang tugisin ang mga alimango,

kailangang mapalabas sa liku-liko mang lungga

pagkat siya, ang manunukot

ay di maaaring pumasok sa maliliit na lungga

at mabuhay kasama ng mga nilalang na may sipit

sa baryo, ang mga taong mahilig sa alimango

ay naghihintay na sa iuuwi niyang huli

malamang, naiinip na rin ang kanyang bunso

at sa duongan, naghihintay na

ang isang nananabik na pamilya.

 

 

 

 

 

Sa Duongan, Ika-pito ng Gabi

 

Pagkatapos ng maghapong paglulubalob

sa burak, nandito tayo sa duongan.

Sa harap ng inumin ng tunay na lalaki

tayo’y nagkukwentuhan.

Tungkol kanina,

ako, nagtambak sa pilapil

ikaw, sumama sa biyahe sa pagtataeng-manok,

siya, nangapa, ‘yung isa, nainisid sa ilog.

Pagkatapos ng maghapong paglulubalob

nandito pa rin tayo sa harap ng ilog.

Tingnan ninyo ang ilog,

ngayo’y madilim na

maya-maya, mamahinga na tayo

pero siya - ang ilog,

ay patuloy sa pag-agos.

pare-pareho tayong lumangoy sa ibabaw niya,

pareho nating sinisid ang kanyang pusod,

pare-pareho tayong sumasahod ng syento singkweta

kada araw mula sa among propitaryo.

Nandito siya, tingnan ninyo,

ang ating ilog,

ang ating buhay,

pustahan tayo

pag isa na sa atin ang malagihay,

duduraan niya ang ilog,

iihian niya, susukahan

ang ilog - ang ating buhay.

 

 

 

 

 

Naglalako Siya ng Isda

 

naglalako siya ng isda

sa iba’t-ibang lugar

sa kaitaasan

kung saan walang ulam

ang mga tao

sa mga lugar na hindi dinadalaw

ng tubig alat

sariwa ang dala niyang isda

sa loob ng kanyang bilao

o lastay o timba

kahuhuli lang ng mga iyon

sa tabing dagat

pinagpuyatan ng kanyang

mahal na asawa

hindi lang isda

ang kanyang dala

pagkat mura ang kanyang tinda

nakakabili ang marami

kahit maliliit na biya o ayungin

mainam na ring pananghalian

para sa mga taong hindi nakakatikim

ng biyaya ng tubig alat.

 

 

 

 

 

Ang Mga Bituin

 

Mahiwaga ang mga bituin

sa maalong lawa ng dagat.

 

Orasan ito ng mga mangingisdang

hindi namamalayan ang paglipas ng magdamag.

 

Tanglaw ito sa hipon at isdang

nagiging mailap sa dilim ng gabi.

 

Ito’y Bathalang hindi nagpapabaya

sa mga mangingisda’y nagbibigay-biyaya.

 

 

 

 

 

Paghihintay sa Palakaya

 

Tinitiis nila ang lamig ng pang-umagang hangin.

Sa pagsalpok ng along likha ng maliliit na bangkang de motor

sa batalan ay isinisingit nila ang huntahan.

 

Silang mga iniwan kagabi ng mga mangingisda;

mga bata, mga ina’t asawa at mga kababaryong

naghihintay ng balita mula sa isang gabing pamamalakaya.

 

Lahat ay nananalangin,

pagpalain nawa ang bangkang darating.

Ipag-adya sa anumang sakuna sa maalong dagat.

 

Lahat ay nangangarap ng masaganang huli.

Ang mga ina’y naghihintay sa anak

na sa murang gulang ay kung bakit pumapalaot.

 

Ang mga babae’y naghihintay sa asawang

hindi nakapiling kagabi, may kasamang ngiti

ang pananabik sa kabiyak.

 

Ang mga kababaryo,

umaasang hindi nagsungit ang pihikang dagat

upang sila rin mamayang gabi’y makapamalakaya.

 

At ang masasayang bata, walang malay

na naghihintay.  Lingid sa kanila,

maaaring sariling palad ang hinihintay.

 

 

 

 

 

oda sa langay-langayan

 

para kayong balahibo sa ibabaw

ng dagat, lulutang-lutang

waring di napapagod sa maghapong pagsalipawpaw

ni hindi dumadapo

isang kawan ng mga tulisang nanunugis ng dilis,

hipon at kahit anong munting isda

isang kawan ng hukbong nasasandataan

ng matutulis na tuka, matatalim na mga mata

at magagaang katawan

 

langay-langayan, iginagalang ko

ang inyong kasipagan

maghapon sa paglipad at pagdagit

sa maaalong lawa ng dagat

o sa ilog o sa palaisdaan

waring mga batang nambabakaw

ng munting ani mula sa sakim na propitaryo

at tulad rin ng mga bata

tinatakot kayo ng mamamalaisdaan,

sinisindak ng putok ng rebentador,

inuumangan ng pisi at nililinlang ng panakot-ibon

ngunit nanatili kayo sa paglipad

at hindi naglulubay sa pagdaib

marahil kailangan ninyong punuin

ang imga butse para may maiuwi

sa naghihintay na inakay

 

a, kaibigang langay-langayan

saan nga ba kayo humahapon

at namumugad?

 

bago lumubog ang araw,

maghihiwalay na tayong muli

pareho lang naman tayo

sa ilang mga bagay;

pareho tayong nangingisda

pareho tayong mag-uuwi ng ulam

sa naghihintay na pamilya

at pareho tayong igugupo

ng maghapong pamamalakaya

 

siguro pareho lang din tayong

nagpapasalamat sa maalamat na dagat

sa munting biyayang ibinibigay niya sa mga tulad natin

 

paalam sa ngayon kaibigan

hindi ko alam kung saan kayo namumugad

iniisip kong mapapahinga na ang mistikal mong pakpak

at makakapag-ipon ng lakas para bukas

pagkat tulad ko pareho tayong kakayod

pagsikat ng haring araw.

 

 

 

 

 

Paghahayuma

 

Nakasalampak siya sa ulilang bangka

habang naghahayuma ng mga gunita

gitla sa noo at laylay na balat

ay mga panahong ginugol sa dagat.

Ilan na kaya ang pilat sa katawan,

sa pangingisda’y ilang beses nasugatan?

Samu’t-saring tibo ang bumaon sa mga kamay

mga daliri’y nagmistulang mga galamay

ng damuko’t alimangong nakasanayan na

ang mabaho at madulas na lansa.

Sa pamimilapil sa palaisdaan,

sari-saring hibo ang nangumusta sa talampakan,

ilang tinik na ng aruma

ang bumaon sa tibaking mga paa?

Nabilang mo ba ang mga pagkakataong umuwi

nang walang dalang isda kahit munggi?

Ilang ulit pang lulusong-aahon sa tubig

may maisubo lamang sa gutom na bibig?

Kailan iiwanan ang panahong ang pamana

sa iiwang anak ay sagwan at bangka? 

 

 

 

 

 

Mangangapa

 

Tulad ng mga magulang natin,

magalas ang pawis na tumatagaktak

sa halasing mga bisig;

mula sa ating katawa’y humahalimuyak

ang samyo ng putik at burak.

Tulad nila,

kinupkop din tayo ng mga sapa

at ilog na ating laruan,

libangan natin ang manugis ng palaka,

ang mamutot ng bangus at tilapya.

 

Sa pamimilapil,

sinisindak tayo ng mga bayawak

o ginugulat ng mga ahas,

sa ilalim ng punong kamatsile’y

inaaliw tayo ng mga ibong batu-bato

at kasintayog ng lipad ng langay-langayan

ang ating mga pangarap.

Batid nating hindi tayo makaaahon sa lubak

(pagkat kahit iyo’y ipinagkait sa atin)

ngunit mga munting mangingisda tayong

hindi takot sa alon at uliuli,

mga munting mangingisda tayong maghahawan

sa mga diliwariw, sa mga tinik ng landasin

upang bukas ay kamtin ng mga anak natin

ang biyaya ng tubig na tabsing.

 

 

 

 

 

Lasang Gilik

 

                                     nila-

labusaw

ko ang putik

para makahuli ng

bangus, naglulubalob

sa burak para hindi maka-

ligtas, hinahabol sa tubig pagkat

lintik sa bilis, nilalambat, inu-

umangan ng salok, kinukuryente

kung kailangan, pagkatapos

ay ilalako ng mahal kong

kabiyak sa lansangan

hanggang makarating

sa inyong hapag-

kainan, ihahain ng

inyong katulong

pagkatapos

tanggalan

ng hasang,

kaliskis,

palikpik,

pagka       tapos,

 lintik!                sasabihin

  mong                           lasang gilik!

 

 

 

 

 

 

Sa Sta. Cruz, Paombong: Isang Pagdalaw

 

Nagustuhan mo ‘kamo, kaibigan

ang inihanda naming lamang-dagat,

ngayon ka lamang nakatikim

ng tilapyang kumikisaw-kisaw habang iniihaw

at kumakaykay ka sa pagtungkab sa aligi

ng alimangong nahuli sa baklad,

halos lumuwa ang iyong mga mata

pagkakita mo sa hipong-puti at suwahe,

nakapikit mo itong isinubo at isinawsaw

sa sukang paombong.

Kaibigan, parang piyesta, ‘ikamo.

hindi ako makakibo

pagkat dito sa nayong ito

sa nayong sagana sa hipon, alimasag,

tilapya, aligasin, alimango…

ay totoo!

totoong nagkakagutom ang mga tao.

 

 

 

 

 

Pahimakas ng Isang Bantay-palaisdaan

 

Malawak ang binabantayan kong palaisdaan,

ngunit ito’y hindi sa akin, at ang laman nito;

bangus, sugpo, ayungin, tilapya, alimango,

pati burak ay pag-aari ng aking amo.

Ikukwento ko sa inyo,

ako ang nagtatanim ng lumot,

nagtatapal ng mga balong sa pilapil,

ang nagpapakain ng mga isda

sa palaisdaang hindi sa akin.

Ang aking amo’y dumadalaw

tuwing Linggo, kinukumusta

hindi ako kundi ang laman ng kanyang palaisdaan.

Binibisita kung may iniulam

ba akong sugpo o alimango

habang siya’y nasa kanyang mansyon,

kung hindi ako maingat sa pagtatago

ng mga talukab at kaliskis,

sisante ako. 

 

Hindi ko hinihingi ang palaisdaan,

ang hinihingi ko ay ‘yung dapat na para sa akin -

ako ang nagtatanim ng lumot,

nagtatapal ng mga balong sa pilapil,

ang nagpapakain ng mga isda

sa palaisdaang hindi sa akin.

Alam ko, ang tasik ng tubig-alat,

ang amoy kung ang bangus ay lasang gilik

o kung nagluluno ang mga sugpo

o kung ang mga ito ay may sakit.

Ngunit ang lapis ng aking amo

ay hindi ko maunawaan,

umaani kami’y nagkakaroon pa ako ng utang.

 

 

 

 

 

Ang Iyong Palaisdaan

 

Ang ipinatayo mong palaisdaan

Sa madali’t malaon

Ay matitibag, matitibag.

 

Pagka’t ikinulong mo

Ang tabsing na tubig

At inangkin ang bawat pusag.

 

Ang ipinatayo mong palaisdaan

Sa madali’t malaon

Ay mauubusan ng laman.

 

Pagka’t unti-unting dinadagit

Ng libong langay-langayan

Ang labis mong kabuhayan.

 

Ang ipinatayo mong palaisdaan

Sa madali’t malaon

Ay maaagnas, maaagnas.

 

Pagka’t hinahampas

Ng nagngangalit na mga alon

Ang iyong mga pilapil.

 

Ang ipinatayo mong palaisdaan

Sa madali’t malaon

Ay mabubuwag, mabubuwag.

 

Pagka’t nakapalibot sa pinitak

Ang laksang talampakan

Ng mga taong iyong inagawan.