Maikling Kuwento

 

ROOM FOR RENT

ni Abdon M. Balde Jr.

 

Taong 1968. Pitong buwan na akong nangungupahan ng kuwarto sa Mirasol, Pasay. Dalawang metro ang luwang, limang metro ang haba ng kuwarto. Salpak sa isang kanto ang kama. May kaunti pang lugar para sa isang munting mesa. Gabundok sa mesa ang mga librong kaulayaw ko sa pag‑iisa. Nakahilera sa dingding na tadtad ng pako ang mga damit kong plantsado. Balak kong bumili ng isang maliit na aparador ngunit walang puwesto ito sa liit ng kuwarto.

         Sa labas ang kain ko. Alas siete ng umaga hanggang alas sais ng hapon ay nasa opisina ako. Maliban kung Linggo. Pagdating ko sa gabi, gagapang na lang sa loob ng kulambo. Beinte­-kuwatro oras na nakabitin ang kulambo, liban kung nasa labandera.

         May isa pang maliit na kuwarto akong katabi. Paupahan din. Dalawang belyas ang nakatira ngayon. Dati, si Aling Amparo ang nangungupahan dito, kasama yong anak niyang gusgusin. Malimit silang dinadalaw ni Mang Karding. Si Mang Karding ang ama ng batang gusgusin. No’ng Hunyo sumulpot sa silong ang asawang tunay ni Mang Karding. Ingkwentro sa silong. Sumunod na araw ay bakante ang katabi kong kuwarto.

         Dalawang babaing pinturado ang mukha ang pumalit kay Aling Amparo sa silong. ’Yong dalawang belyas nga. Sa Abenida ang trabaho. Anna at Bessie ang tawag sa kanila. Aywan ko kung ano ang mga tunay na pangalan.

         Sa itaas nakatira ang may‑ari ng bahay. Lola lang ang tawag ko dito dahil sa tanda nito. Lola rin ang tawag dito ng buong Mirasol. Takbuhan si Lola ng mga kapos sa pera sa Mirasol. Utang‑sangla. Karamihan ng tumatakbo sa kanya ay mga belyas na tinatakbuhan ng mga kabit nilang marino.

         Apat na radyo ang nasa itaas. Limang bentilador, dalawang TV, anim na aparador, tatlong pridyider, apat na plantsa, kasama pati mga kabayo, mga alahas, pati ngiping ginto.  ’Yong isang aparador nga ang kursunada kong bilhin. Beinte lang.  Pero walang puwesto sa ibaba. Saka isa pa nga, lilipat na rin ako.  Si Lola, ’yong dalawang belyas—pati mga kapitbahay namin—sabay‑sabay kaming mag‑aalsa‑balutan. Binubutas na ang Buendia mula sa Taft diretso ng Dewey. Hagip ang Mirasol. Nakikinikinita ko na: pagdating ng Setyembre, burado sa mapa ng Pasay ang Mirasol, umpisang Harrison hanggang Dewey nga.

         Kahapon ay nilapitan ako ni Lola. Ibinibenta yong isang pridyider sa akin.

         Kanina, paglabas ko ng banyo ay nasa pintuan na si Anna. Sabi, sasama daw si Bessie doon sa kabit nitong kristo sa sabungan. Puwede daw ba, dahil wala siyang naiipon pa, isama ko na lang siya, kung saan man ako lilipat, kahit kabit din. Sabi ko, pa’no ako magkakakabit, eh wala pa naman akong asawa. Sabi niya, puwede naman daw siya, kahit pansamantala.

         Minsan nanghihinayang din ako sa mga biyayang nasa palad ko na’y ayaw ko pang tukain.

         Nagbihis ako pagkapaligo. Si Anna ay nasa banyo pa nang lumabas ako sa kuwarto. Tila tulog pa si Bessie. Linggo kasi.

         Umakyat ako. Dinatnan kong nagwawalis si Lola.

         “Lola,” sabi ko, “puwede ho ba, tutal a‑onse pa lang naman ng Hulyo, kung makalipat ako bago mag a‑kinse, kalahating buwan na lang ng Hulyo ang bayaran ko?”

         “Bilhin mo ’yong pridyider, puwede, ” sabi ni Lola. Diretso magsalita si Lola.

 

         Nasa labas na ako ng bahay ay nakakunot pa ang noo ko. Iniisip ko kung bakit kapag pare‑pareho kayong gipit, ’yong maliliit na bagay ay tila lalong lumalaki. Napakahirap makiusap.

         Nakarating na ako ng Harrison ay hindi ko pa tiyak kung saan ako pupunta. Alam ko lang, itong linggong ito, kailangan kong makakuha ng malilipatan. Tatlong araw ang hiningi kong bakasyon sa opisina. Miyerkules dapat makalipat na ako. Tama nga—a‑katorse lang ako sa Mirasol. ’Yong isang araw, hindi sana bale. Kaya lang si Lola...

         Sumakay ako ng dyip papuntang Quiapo. Pagbaba ko sa harap ng simbahan ay bumili ako ng diyaryo. Pumuwesto ako sa tapat ng Lacson Underpass. Akyat‑palusong na parang langgam ang mga tao sa hagdan ng underpass. Sa ibabaw nito, ang mga sasakyan ay tila mga palasong humahaginit. Pumasok sa isip ko: ano kaya kung sa halip na tao ang tumakbo paroo’t parito ay kabitan na lang ng telepono ang bawat tahanan, bawat opisina, bawat tindahan, bawat gusali. Lahat. Tawag ka na lang sa opisina kung ano’ng trabaho mo. Tawag sa ‘yo ang tindahan kung gusto mong bumili ng lansones. Kung may patay sa bahay mo, tawag ka sa sementeryo, sabihin mo sa sepulturero na abangan sa alas singkong biyahe ng tren ang kabaong ni Juan dela Cruz. Cash on delivery. Lahat lang kargamento ang laman ng panglungsod na tren. Ang biyahe, beinte‑ kuwatro oras. May himpilan bawat bahay, bawat opisina, bawat gusali.

         Paano mo itatawag sa telepono ang pangangailangan mo kay Anna at Bessie?

         Binuksan ko ang diyaryo sa pahina ng Classified Ads. Mga rooms for rent. Inisa‑isa ko. Tatlo ang nakita kong puwede:

 

            109‑B Scout Castro Q.C.

            Tel. 982173

            P150 w/ T&B

 

            4286 B’Aires

            Samp

 

            4251 Zamora, Pasay

 

         ‘Yong una, sa Quezon City. Mulang Quiapo dalawang sakay ako. Dalawang sakay din papuntang Sampaloc. Naisip ko, tutal Pasay din, puntahan ko muna ’yong pangatlo.

         May isang bagay na nakakagayuma sa akin sa Pasay. Hindi ko masyadong tiyak kung alin. Maaaring ang gulo ng buhay dito. Ang mga pasugalan, mga kasa, mga sentro ng bisyo. Isa lang yon. Maaari ring palagay ang loob ko sa isang lugar na walang kaayusan. Maduming palengke, baku‑bakong daan, baha ‘pag tag‑ulan. ‘Pag hindi ka maingat sa paglakad ay matatapakan mo sa baldosa ang mga panindang tuyo, kalamansi, laruan ng bata, mais, sisiw, bulaklak. Isa rin yon. Maaari ring ang lugar na mismo. Malapit sa dagat, malapit sa Mabini, malapit sa Makati, malapit sa sementeryo. Magkakapit-balikat ang karangyaan at ang kahirapan, ang putik at dagitab, ang buhay at kamatayan.

         Isa pa, kahit saan ang punta mo, isang sakay lang; mag‑Quiapo, mag‑Abenida, Laguna, Cavite o Novaliches.

         Lumusong ako sa Lacson Underpass, tumawid ng Quezon Boulevard at lumuwas sa tapat ng simbahan. Agawan pagsakay ng dyip, kahit Linggo. Sumakay ako ng bus—Baclaran via Taft.

         Bitbit ko pa rin ang diyaryo.

         Kung ikaw ay sasakay ng bus sa Taft Avenue nang Linggo ng umaga, masisiyahan ka sa malamig na hanging malalanghap mo. Malamig, sabi ko, hindi ko sinabing sariwa. Walang sariwang hangin sa Maynila. Panay hininga ng tambutso ang malalanghap mo. Pero ’pag Linggo, mga alas siete ng umaga, hininga man ng tambutso at malamig, masisiyahan ka na rin. Wala ka nang ibang maaasahan. Ang bus na sinakyan mo’y aakyat ng Quezon Bridge, lulusong ng Lawton, bubulusok sa isa pang underpass sa harap ng Maharnilad. Pag‑ahon ay Taft Avenue na. Sa kanan mo’y Luneta.

         Matao sa Luneta kung Linggo. Dito magtatagpo‑tagpo ang mapuputlang batang akay ng mapuputlang yaya. Mga may­bahay na minsan sa isang linggo kung makatakas ng kusina. Mga binatilyong may katipang atsay. Mga taga‑opisinang ibig magpalakas ng katawan. Noong bago ako sa Maynila ay napupunta rin ako sa Luneta, sa tabing dagat, mag‑isa. Nag­babasa sa damuhan. Pero n’ong malaman kong pareho lang ang simoy ng hangin sa Luneta at sa kusina ng Intsik na kalapit namin ay gusto ko pang langhapin ang niluluto ng Intsik.

         Mag‑aalas otso lang nang bumaba ako sa kanto ng Libertad at Taft. Kaagad siksikan ang bangketa. Hinuhukay ang Libertad para palitan ang patakbuhan ng tubig‑ulan at baha. Nagkalat ang mga imburnal na balot sa putik. May tumatagas na burak mula sa dulo ng hukay hanggang sa bangketa. Isang batang gusgusin ang nagtapon ng bato sa burak. Malakas ang atungal ng aleng naglalako ng pansit sa kanto. Kitang-kita ko nang mahagip sa noo ang ale ng tumilamsik na putik. Kumaripas ng takbo ang bata.

         Lumiko ako ng Libertad pakaliwa, sa may simbahan ng Aglipay. “Lintyak, hindi pala Katoliko,” narinig kong sabi ng matandang nakabelo ng itim habang palabas ng simbahan.

         Bumili ako ng sigarilyo sa kanto ng Zamora at Libertad. Inumpisahan kong maghagilap ng numero ng mga bahay. May bago, may lumang numero ang mga bahay. Saglit akong nalito.

         Nagtanong ako sa isang matandang naglilimpya‑bota.

         “Mà, may hinahanap akong numero ng bahay dito. Alin ba’ng tama? Dala‑dalawa kasi ang numero ng mga bahay.”

         “AIam mo ba ang numero ng bahay na hinahanap mo?”

         “Oho.”

         “O, di isa lang sa mga numero ng bahay na yan ang makakapareho ng numero mo. Walang dalawang bahay na pareho ang numero, saan mang kalye. T’yak ’yan, iho.”

         Pumasok ako ng Zamora. Maluwang ang kalye. Pero luma rin ang mga bahay. Pasulpot‑sulpot ang bago. Pero t’yak ko na kaagad na walang bagong apartment dito.

         Nakuha ko na ang numero 4251. Pangalawa ito sa isang linya ng mga apartment na may limang pinto. Kanya‑kanyang bakod paharap sa kalye. Siguro may dalawang kuwarto sa taas. Isa ang ibig paupahan, naisaloob ko. ‘Yong mayor na may-upa ng apartment, doon ka mangungupahan. Parang sabit ka lang. Ganoon palagi.

         Bawat pinto ay nababakod ng pantay‑taong pader. May kanya­-kanyang munting puwang sa harap na puwedeng pagtaniman ng halaman o paradahan ng kotse. Sa dulong pinto, isang Volkswagen ang nakagarahe. Sagad hanggang bakod ang puwit ng kotse. Lahat ng bintana’y may screen. Ayos ito, sa loob ko. Hindi na kailangan magkulambo. Luma nga lang ang pader na dingding at kupas ang pintura. Kahoy ang taas. Napansin ko ang antenna ng TV sa bubungan ng numero 4251. Nakakurtinang asul ang mga bintana. Bahagyang nakaawang ang isang dahon ng bintana sa ibaba.

         Kumatok ako sa pinto. Walang sumagot. Kumatok uli ako. Wala pa rin. Naalala ko,baka may doorbell. Hinanap ko. Wala. Kumatok uli ako, malakas, wala. Isa pa. Wala pa rin. Wala yatang tao, sa loob ko.

         Sumilip ako sa nakaawang na bintana. Madilim sa loob. Nasasala ng screen ang liwanag sa labas. Bahagyang pinaga­galaw ng hangin ang kurtina pero wala rin akong nasisilip sa loob. Sinubukan ko uling kumatok. Dalawa, tatlo, apat na ulit. Wala pa ring sumasagot Naisip ko uli, alas otso‑kinse pa lang, baka kaya tulog pa. Nilakasan ko ang katok. Bahala na kung makabulahaw, sa loob ko. Tutal naka-diyaryo naman na talagang paupahan. Nakarinig ako ng tila yabag sa taas. May nagbukas ng pinto sa loob, sa itaas. Nagising din, sa isip ko. Naghintay ako. Medyo konting paumanhin na lang ang naisip kong pambungad sa may-bahay.

         May mga limang minuto ako naghintay. Walang nagbukas ng pinto. Kumatok uli ako. Tahimik na tahimik uli sa loob. Dalawang ulit akong kumatok nang malakas. Walang sumagot.

         Mga sampung minuto akong nakatanga sa harap ng pintuan. Huling katok, naipasya ko. Kung walang sumagot, babalikan ko na lang mamayang hapon. May dalawa pa naman akong pupuntahan. Baka sakali. Kaya lang, sayang din ito, narito na rin lang ako.

         Kakatok na sana muli ako nang mapansin kong hindi nakasara ang pinto. Hindi lapat. Hindi maayos ang pagkakaasinta ng pinto kung kaya sumasayad ang isang kanto sa baldosang sahig. Nilingap ko ang paligid. Walang naglalakad sa Zamora. Linggo talaga. Pinihit ko ang hawakan ng pinto. Nag‑aalangang itinulak ko ng mahina. Bumukas. Madilim sa loob. Bahagyang liwanag ang naglagos sa makapal na kurtina.

         Ilang ulit akong nagpatao‑po. Walang sumagot. Balak ko na sanang pumasok nang may napansin ako sa sahig. May taong nakahiga! Nakadapa. Babaing payat at mahaba ang buhok. Isinara ko ang pintuan. Bigla. Ang una kong naisip ay ang tumakbo sa labas. At akmang patakbo na ako nang may gumuhit na isang bagay sa isip ko. Sa pagitan ng isang kisapmata, bago tuluyang nasara ang pintuan, ay may nakita ako sa sahig. Makislap sa karimlan. Dumadaloy. Mapula. Dugo!

         Nangatal ang kamay ko sa hawakan ng pinto. Lumakad ako sa may bakod, sa bangketa. Baka may tao sa ibang pintuan. Wala. Sarado ang apat na pintuan. Bumalik ako sa pinto. Maingat kong ibinukas. Sumilip sa loob. Pangitain o hindi, ang nakita ko’y larawang hindi ko na maiwaksi sa isip. Ang babaing nakadapa, ang dugong tumatagas sa ulo nito’y namumuo sa abuhing baldosa. Hindi ako lumapit, pero tiyak ko, ang babaing ito’y wala nang buhay. Patay!

         Mabilis akong lumakad palabas. Pinigilan kong tumakbo. Iniwasan kong makatawag ng pansin . May dalawang tricycle na lumampas sa akin. Isang taksi at tatlong dyip ang nakasalubong ko. Sa kanto ng Zamora at Libertad ay marami na uling tao. Ang matandang naglilimpya-bota ay nakatingin sa akin. Umiwas ako ng tingin.

         ‘Yung mga sandaling iyon, lahat ng nangyari sa paligid ko’y naramdaman ko. Aywan kung bakit. Kahit ang mga mata ng matandang naglilimpya‑bota, damdam ko ang maiinit na mga mata nito sa aking likuran.

         May malamig na pawis na gumuhit sa aking noo.

         Mabilis akong naglakad papuntang Taft Avenue. Tila lalong sumisikip sa tao ang bangketa. Habol ang aking paghinga. Nakaramdam ako ng matinding pagkauhaw, ng panunuyo ng lalamunan. Nagsindi ako ng sigarilyo. Ang naisip ko’y makaalis agad sa Libertad.

         Nasa may himpilan ako ng bus, hawak ang lighter at sigarilyo, nang may pangambang gumuhit sa dibdib ko. Ang hawakan ng pinto! Ang mga bakas ng kamay ko sa nikiladong hawakan! Tiningnan ko ang nikiladong lighter sa palad ko. Kahit sa mata lang,kitang-kita ang bakas ng kamay.

         Nakaramdam ako ng paninikip ng sikmura.

         Gulo ang isip na naglakad ako sa malapad na bangketa ng Taft. Pilit kong inisip kung ano ang mabuting gawin. Humahagibis ang mga sasakyan sa Taft. Humahagibis na mga sasakyan! Paroo’t parito ang mga tao! Naalala ko kanina, sa bungad ng underpass, may iniisip ako tungkol sa walang humpay na paroot’ parito ng mga tao. Tama! Telepono!

         Pumasok ako sa isang tindahan ng mga radyo. Nasilip ko ang mga paupahang telepono. Treinta bawat tawag. Humingi ako ng directory at inabot ito sa akin ng isang payat na tindera. Pagkatapos ay bumalik siya sa pagkakalikot ng kanyang matu­tulis na kuko.

         Police. Police, Pasay. Nakuha ko ang numero. Siniguro ko munang walang malapit sa akin.

         “Hello?”

         “Hell‑oo!”

         “Police ho? Pasay. . .pulis?”

         “Ito nga. Sinong kailangan mo?”

         “May—mayroon lang akong itatawag. Puwede ba pakilista n’yo lang? Importante lang?”

         “Ba’t sino ba ‘to? Pangalan mo!”

         “Basta ilista n’yo, 4‑2‑5‑1. Kwatro, dos, singko, uno; Zamora, Pasay. May...may patay! Puntahan n’yo. May patay!”

         Bigla kong ibinagsak ang telepono at mabilis akong lumabas ng tindahan. Bumalik uli ako. Nakalimutan ko ang bayad. Nakangiti ang tindera nang abutin sa akin ang treinta.

         Hindi ko maisip kung ano ang mabuting gawin pagkatapos ng tawag na iyon. Kung makuha ng mga pulis ang babaing patay, magsisiyasat sila. Hahalughugin siguro ang bahay. Makukuha ang bakas ng kamay ko sa pintuan. Maghahanap sila ng kapareho nito. Sa bagay, wala akong record sa pulis. Maski jaywalking, wala. Pero—teka, mayroon! Nang pumasok ako ng trabaho, kumuha ako ng police clearance. Lahat ng fingerprints ko’y kinuha! Pero doon pa iyon sa lumang headquarters, sa may Burgos. Naglipat sila nang magkasunog doon. Paano kung hindi nasunog ‘yong records ko?

         Bumalik ako ng Libertad. Sa kabilang panig ako naglakad. Sana walang makakilala sa akin, dalangin ko. Pagdating ko sa kanto ng Zamora’t Libertad ay nakita kong wala na ang matandang naglilimpya‑bota. Nag‑almusal siguro. Dalawang dyip ng pulis ang lumiko ng Zamora. Sinundan ko ng tingin. Kumakalam pa rin ang tiyan ko. Bumagal ang takbo ng dalawang dyip hanggang huminto sa tapat ng apartment na kinatukan ko. Apat na pulis ang mabilis na bumaba. Nawala sa linya ng pantay­-taong bakod.

         Matagal akong natulos sa pagkakatayo. Siguro’y mga beinte minuto. Nang mainip ako’y inumpisahan kong lumakad palapit sa dalawang dyip. Bahala na, sa loob ko. Tutal, totoo naman lahat ang sasabihin ko, sakali. Pero naroon pa rin ang kaba ng dibdib ko.

         Halos nasa tapat na ako ng dalawang dyip nang maalala ko ang diyaryong bitbit ko pa rin. Mabilis kong binuklat sa pahina ng classified ads at lumapit ako sa bakod.

         Papalabas sa apartment numero 4251 ang mga pulis.

         “Tarantadong tao ’yon,” dinig kong sabi ng isang pulis. Nati­gilan ako sa harap ng bakod. Napatingin sila lahat sa akin. Naghagilap ako ng sasabihin.

         “’Eto..’eto ho ba’ng nakaadvertise dito sa diyaryo?”

         “Ano?” pasinghal na tanong ng matabang pulis.          

         “Eh…pi…pinauupahang kuwarto, ata…dito? “

         “Sa loob ka magtanong,” sabi ng pulis. “Baka may makita ka ring patay.”

         “Ano ho?” Biglang nanlambot ang tuhod ko.

         “’Ala, pumasok ka. Sa may‑ari ka magtanong.”

         Kumatok ako sa nakasarang pintuan. Bigla, umatungal ang makina ng dalawang dyip sa labas. Nagitla ako. Sabay bumungad sa pinto ang mukha ng isang matandang lalaki. Ilang saglit akong nangangatal ang baba sa harap ng pinto.

         “Ano’t namumutla ka ’ata?” tanong ng matanda.“May hi­nahanap ka?”

         “Ah, eh…ku‑kuwan ho...kuwarto ho. May…may  pinauupahan dito?”  

         “Kuwarto? Walang pinauupahan sa ngayon. Nakuha na namin.”

         “Eh, nandito pa ho sa diyaryo. Sabi dito…”

         “Iho, luma na siguro ’yang diyaryo mo. Isang linggo na kaming andito.”

         Bigla kong binuklat ang diyaryo na tila naalimpungatan buhat sa pagtulog. Nagitla ako. Ang bitbit kong diyaryo’y labas noong nakaraang Linggo! Gumuhit pabalik ang isip ko. Sa Quiapo. Isang bata sa bangketa ang binilhan ko nito. Batang­ bangketa. Maaari kayang higaan niya ito sa pagtulog? Ngunit bago ang diyaryo. Balot kaya ng mga bagong labas? Bakit buo ang diyaryo?

         Kanina sa bus, bakit hindi ko naisipang magbasa? Wili ako sa pag-iisip. Isa pa, hindi ako palabasa ng diyaryo. Sana, unang pahina pa lang, alam ko na kung luma. Pero bakit hawak ko ang isang diyaryong tapat na isang linggo nang luma? Linggo rin ang araw ng labas ng tangan kong diyaryo. Anong pagkakataon ito?

         Ang babaing nakadapa sa pader! Maaaring luma ang diyaryong hawak ko, pero maaari ring may babaing patay sa bahay na ito.

         “Ang…asawa n’yo, kasama n’yo?”

         Sinikap kong sumilip sa loob. Pero ni walang gumagalaw sa loob.

         “B’yudo ako ng tatlong taon na. Anak kong driver ang kasama ko, nasa pamamasada na.”

         “May babae akong nakita dito kanina. Ga‑galing ako dito…”

         Bigla kong nakagat ang dila ko. Hindi ko dapat sinabi iyon.

         “Walang babae dito.” Matigas ang tinig ng matanda. Sabay sara ng pintuan.

         Naiwan akong nakatanga sa harap ng pintuan. Lito pa rin ang isip na lumabas ako ng bakod. May isang bagay pa, bukod sa babae, na nawala. Nasa bangketa na ako ng Zamora nang bigla akong naudlot. Nilingon ko ang bubungan ng apartment. ’Yong antenna ng telebisyon!

         Tila nabuksan ang mga mata ko mula sa pagkapikit. Hindi lamang ang antenna ang wala! Ang mga kurtina sa bintana—lahat ngayon ay pula! Ang bintana sa itaas, bahagyang nakaawang. Aywan kung paano, pero nang mga sandaling iyon—tiyak ko—may mukhang nakasilip sa nakaawang na bintana. Tiyak ko rin, hindi ang mukhang iyon ang kausap ko kanina sa ibaba!

 

                        u

 

         Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng aking nakita. Hindi ko alam kung bakit may mga pagkakataon na ang karaniwang mga pangyayari ay nagkakatugma‑tugma para makabuo ng isang mahiwagang kaganapan.

         Mahiwaga kaya o walang katuturan? Alin ang tama? O baka kaya ang kahiwagaan at kawalang-katuturan ay iisa lamang? Mga kaganapan na hindi mapag‑ugnay ng isip dahil sa kakulan­gan ng pag‑unawa.

         Mahiwaga ang kidlat sa mata ng tao noong unang panahon. Ano ang katuturan ng aking mga panaginip ngayon?

         Isa lamang ang tiyak ko: Ang lahat ay may dahilan; ang lahat ng dahilan ay narito sa lupa.

         Ang takot na naramdaman ko ay takot ng isang karaniwang tao na nasa isang katayuang hindi niya lubos na maunawaan. Halimbawa, bakit ka matatakot sa loob ng isang silid na ganap ang karimlan?

         Ang babaing nakita ko sa loob ng apartment ay maaring patay na babae. Kung siya ay pinaslang, ano ang mahiwaga sa pagpatay? Alam na natin na ang tao ay sadyang pumapatay ng kapwa niya tao. Ang mga kurtina, ang antenna at ang mukhang nakadungaw sa bintana ay maaaring dahilan ng isang tusong paraan ng tao para maisagawa ang isang maitim na balak.

         Ang diyaryong luma ay maaaring dahilan ng isang makataong pagkakamali.

         Ang hindi ko alam ay kung bakit isang lumang diyaryo ang nagtulak sa akin para masaksihan ang hindi magkakaugnay na pangyayari sa apartment numero 4251.

         Sa kabilang dako, paano kung ang babaing nasilip ko sa karimlan ay bungang‑isip ko lamang? Isang lumang pangitain na nasa isip ko na, bago pa ako dumating ng apartment numero 4251? Na kaya lamang naging maliwanag sa mata ko ay dahil sa karimlan?

         Paano kung nang Linggong iyon ako’y hindi talagang gumising sa umaga at ang lahat ay isang masamang panaginip lamang?

         May isang tao na nanaginip na siya’y isang paruparo; nang siya’y magising, hindi na niya matiyak kung siya ay isang paruparong nananaginip na siya’y isang tao.

         Sino ang ganap na nakababatid sa isip ng tao? Sino ang makapagpapaliwanag kung bakit nang sumunod na Linggo ay muli kong nakita sa isang bagong dyaryo ito:

 

Room for rent: 4251 Zamora, Pasay

 

?

 

 

 

 

ANG MAY AKDA

 

Pangalan:                    Abdon M. Balde, Jr.

Ipinanganak sa            Busac, Oas, Albay

 

Nakatira sa                  #18 Dao St. Casimiro Village, Las Piñas City

 

e-mail                          kadunung@yahoo.com

 

Tinapos                       Bachelor of Science in Civil Engineering

.

 

Ipinanganak sa liblib na nayon ng Busac, Oas, Albay siya’y isang Bikolanong inhinyero na pagkatapos ng 33 taon sa konstruksyon ay tumugon sa mapang-akit na tawag ng Musa ng Panitik. Kasalukuyang nakatira sa Las Piñas City. Kasalukuyang Kagawad ng Lupon sa Wika at Salin ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at isang Direktor ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Nanalo ng National Book Awards ang kaniyang mga aklat na Mayong at Hunyango sa Bato, nagawaran ng  Rokyaw Ibalong Bikol Achievement Award in Literature at nanalo sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang Maikling Kuwento.