Sangkomunidad

EKSPLOSIBO

HOME
HUNTAHAN
TAMPOK
AMBAG-AKDA
BATANG-SINING
RETRATUHAN
SANGAY PAMPANITIKAN
CCP HOMEPAGE
LINKS

Petsa at Oras ng Rebolusyon

 

ni Manolito C. Sulit

 

Kung lumabas ako at ianunsyo sa mga lansangan ang petsa at oras ng rebolusyon, may sasama kaya?

 

Napag-isip-isip mo na ba kung gaano kakritikal ang ating sitwasyon? Ang tanong, mabago pa kaya ito? Sa paanong paraan? Kabilang ang Pilipinas sa minamatyagan ngayon ng buong mundo sa kahirapan at sa katiwalian. Wala na halos tayong mapili sa mga pulitikong nais sumungkit sa ating mga boto. Hanggang sa panahong ito, ang tanging naipagmamalaki ng isang public official, sa alinmang hurisdiksyon, ay ang mga kalsada at tulay na paulit-ulit na ipinapatayo, ang mga gripong tila mga tangkay ng halamang itinutusok kapag eleksyon, ang mga patrol jeep na ibinibigay sa mga barangay, at ang pondo para sa grupong kababaihan at iba pang samahang sibiko,  na dahil lamang sa mga ito’y natitiyak niya ang pamamalagi niya sa dati o sa mas mataas na puwesto. Samantalang napakaraming dapat lutasin, mga problemang dapat pagbuhusan ng isip, gaya siguro ng pag-iisip na ginagawa ko ngayon. Palibhasa’y natutuhan nang pakibagayan ng mga pulitiko ang mga ugali ng taumbayan. Ang mahalaga kasi ay may maipakitang proyekto. Ang mahalaga ay “makabahagi” ang bayan sa nakukulimbat ng mga pulitiko. Sa ganoo’y nasasabi ng mga tao na may “pakinabang” sila sa mga ito. Kaya patuloy ang problema, at patuloy din ang pagpapasikat ng mga nakapuwesto. Kung tutuusi’y wala naman talagang humaharap sa mga totoong suliranin, gaya ng bumababang antas ng edukasyon (hindi tumatalino ang mga Pinoy!); exodo ng mga propesyunal dahil sa kawalan ng hanapbuhay at ng pagkakataong magamit ang pinag-aralan sa isang kaugnay na trabaho; kumakaunting produksyon ng mga pangunahing kalakal at nagkukulang na mga uri ng serbisyo; ang kawalang-pakialam ng mga Pilipino sa kanilang kapaligiran at sa mga pamana ng lahi sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan; naglalahong nasyonalismo at paglala ng kaisipang makadayuhan; ang mabagal  at mahal na hustisya; at ang malawak na agwat ng mayaman at ng mahirap sa usapin ng pag-aari at oportunidad.

             

Isa-isahin natin ang mga nabanggit na problema, at malamang, malunasan ang huli kong sinabi; medyo magdudulot nga lamang ito ng  hindi kakaunting gulo. Ang mahusay na edukasyon at hanapbuhay na hindi lamang nakakabusog kundi nakapagpapayaman pa ng kakayahan at ng pagkatao, ay makapagbibigay ng kapangyarihan sa mga mamamayan upang makaalis sa kahirapan at pumantay sa magandang buhay na tinatamasa ng mga mayayaman. Sa biglang sabi ni Roco, habang pinapanood ko siya noon sa TV, parang gayon lamang kadali. Na kapag nabigyan ng libreng edukasyon ang ating mga anak, siguradong uunlad ang buhay ng mga ito balang araw. Kulang-kulang siyamnapung porsyento ng mga Pilipino ay matatawag na litereyt, o nakakabasa at nakakasulat. Mahigit sa walumpung porsyento ng populasyon ang nakatuntong sa paaralan. Ang pagkamasikhay sa pag-aaral ng mga Pilipino ay hindi isang penomenon ng kasalukuyang panahon. Ibig sabihin, matagal na tayong edukado, bakit hindi pa yumayaman ang mahirap? Ano bang klaseng edukasyon ang tinatanggap ng mga Pilipino? Sa isang banda’y ano ba ang tingin natin sa edukasyon? Bakit ba tayo nag-aaral? Ano ba ang ating pinag-aaralan?

             

Mula nang ipatupad ng kolonyal na pamahalaang Amerikano sa Pilipinas ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo, ito na ang naging basehan ng pagkatuto ng mga Pilipino. Marahil ay dahil na rin sa ating “colonial mentality” kaya madaling naging pangalawahing uri ang mga katutubong wika sa bansa. Gayunman, isang kabalintunaan na ang kaisipan tungkol sa pagkakaroon ng pambansang wika ay umusbong sa panahon ng Komonwelt, sa pamamagitan ng paninindigang pulitikal ni Quezon. Mula noon, lagi nang magkatunggali sa puso’t diwa ng mga Pilipino ang wikang Ingles at ang wikang Filipino na base sa Tagalog. Hindi naman masama, liban nga lamang sa halatang pagkiling ng mismong gobyerno natin sa ikalalaganap ng paggamit ng Ingles, lalo na sa mga opisyal na transaksyon. Hindi rin naman masama, kung talagang kayang ipalaganap ito, at nang lahat ay may bentahe. Pero maraming nasasakripisyo. Sa murang isipan ng musmos, agad nahahadlangan ang kakayahan niyang magsuri, ang tiwala sa sarili, ang natural sanang daloy ng kaalaman mula paaralan tungong pamayanan (kung pareho ang wikang sinasalita), at ang intelektwal na pakikipag-ugnayan ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral, ng mga mag-aaral sa kanilang pamilya, at ng mga tao sa kanilang lipunan. Sa halip na mapalawak ang guni-guni ng karaniwang mag-aaral, liban sa iilang eksepsyon, nalimitahan ng Ingles ang komunikasyon sa iilang pormulang pangungusap, at ang talino sa mga sinaulong terminolohiya at depinisyon. Huwag nang isama sa usapan ang top ten ng klase! Mula noon, kumitid ang ating persepsyon sa edukasyon sa paniniwalang “matalino ang nag-iingles.” Ang mga asignatura gaya ng agham, matematika, at ekonomiks, maging ang sining, ay naging hasaan ng pag-iingles. Samakatwid, masaya na tayo dahil nakakabasa at nakakasulat tayo sa Ingles, ibig sabihi’y “edukado” na tayo.

             

Ang kabiguan ng edukasyon sa Pilipinas ay dahil hindi nito napagyaman ang kaisipan ng bawat Pilipino, at ang pagbibigay pa ng lalong bentahe sa mayayaman—na nag-iingles na sa kanilang mga tahanan, na kayang pumasok sa mamahaling paaralang makapagpapahusay lalo sa kanilang pag-iingles, at, taglay ang pangalan ng paaralan, koneksyon, at lakas ng loob na mag-ingles, siguradong makapagtatrabaho sa pinakamagagaling na kompanya. Nasaan ang karamihang mahihirap na degree holder? Naibigay ba sa kanila ng sistema ng ating edukasyon ang pagkakataong pumantay sa maaaring marating ng mayayaman?

             

Ano bang klaseng trabaho sa ibang bansa ang natagpuan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng isang makadayuhang sistema ng edukasyon? Naitaas ba nito ang sahod ng mga OFW, o patuloy tayong binabarat ng mga dayuhang employer na ang interes sa Pilipinas ay ang cheap labor dito?

             

Hindi nga tumatalino ang Pilipino. Patuloy tayo sa ating pormulang pag-iisip, gaya ng kung ano ang sinasabi sa libro, at liko ang pangangatwiran ng marami sa atin. Dahil nga nahadlangan ang pagyabong ng “karaniwang pag-iisip” ng ibang sangkap sa ating “dakilang eksperimento.” Nag-aalok ng mga kurso ang mga kolehiyo at unibersidad na wala namang aasahang trabaho rito kundi sa ibang bansa. Anong klaseng katwiran mayroon ang mga tagapagbuo ng ating edukasyon, na hinuhubog ang ating mga mamamayan upang ipamigay sa ibang bansa? Paano ito natatanggap ng isang gobyerno na ang talino at lakas ng kanyang mga mamamayan ay pinakikinabangan sa ibang lupain, kapalit ng dolyar na ibibili rin natin ng mga dayuhang produkto?

             

Isang asignatura lamang, isang imposisyon, isang siglo, ang patuloy na umuugit ng tadhana nating mga Pilipino. Pinaigting pa ng gobyerno ang pagpapatupad sa English Rule dahil sa pagkabahala ng Pangulo na “humihina sa pag-iingles ang Pinoy,” na ang tanging may sala, ang paglaganap ng modernong Filipino. Ang patuloy na pagtatanggol ng maraming edukador na Pilipino sa bahaging ito ng sistema ng edukasyon, at ang pagbibingi-bingihan ng gobyerno sa sinasabi ng mga lokal at dayuhang eksperto sa wika, ay sumasalamin lamang sa malaganap na kaisipang makadayuhan. Ang nasyonalismo, masabi ko sa ating mga guro, ay hindi lamang sa pagkakaroon ng Buwan ng Wika, o sa pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan sa mahahalagang pagdiriwang ng bansa, kundi ang kakayahang isipin ang makabubuti para sa nakararami. Kung nakapag-iisip nang maayos ang bata, malayang nakapagpapahayag at naipapakilala ang kanyang kakanyahan; kung naipauunawa sa kanya (di lamang ipinasasaulo!) ang agham at teknolohiya sa pamamagitan ng sarili niyang wika; kung naiipakita sa kanya ang praktikalidad ng matematika at mga kaugnay na larangan; at kasabay ng mga ito’y inaantig ang kanyang puso sa tunay na kalagayan ng bayan, at kung ano ang mga pangangailangan nito… hindi malayong gamitin niya ang kanyang mga natutuhan upang makapaghain ng solusyon sa mga suliranin ng bansa. Hindi malayong maisilang ang mga lokal na henyo na lilikha ng mga teknolohiyang may karugtong sa buhay ng mga Pilipino. Iyan ay kung hinayaan lamang sana ang bawat musmos, mula pa noong una, na mahubog muna ang kanyang kamalayang mapanuri at mapanlikha, sa halip na gambalain agad ng mga pagsasaulo ng mga salita’t pormulang pangungusap sa Ingles, kung saan maaaring purihin o parusahan siya dahil dito.

 

Maaaring sa pamamaraang teoretikal at imersyon sa pamayanan, mauunawaan ng isang mayaman ang pakikibaka ng isang mahirap. Ngunit ito’y hanggang sa panlabas lamang, gaya ng ilang silid mayroon ang isang dampa, o ano ang kanilang kinakain, o saan sila dumudumi—kung paanong hindi komportable ang kanilang buhay di gaya ng mayayaman. Hindi naiintindihan ng isang mayaman ang tortyur sa pag-iisip ng isang mahirap, na marahil ay wala nang bukas, “hanggang ganito na lamang kami.” Subalit ito ring mayamang ito ang isang araw ay mangangako ng pag-ahon sa karalitaan, sa pamamagitan ng libreng pabahay, hanapbuhay at serbisyong pangkalusugan. Ang mayaman ding ito ang mangangaral na ang kailangan lamang ay sipag at tiyaga, ihahalimbawa ang kanyang pagsusumikap sa negosyo, babanggitin pati ang hirap na pinagdaanan ng kanyang mga magulang, upang makumbinsi ang taumbayan na siya’y isang halimbawang dapat tularan. Pero isang bagay ang hindi binabanggit sa mga kampanya at propaganda. Hindi niya sinabing bukod sa sipag at tiyaga, mayroon siyang makapal na pitaka—kapital, kung hindi galing sa mga magulang, maaaring sa banko na hindi magpapautang sa walang ibabayad. Kailan naging totoo sa ating bansa, na ang labor o paggawa ay lumikha ng kapital? Ilang Pilipino ang tunay na nakapag-iimpok dahil sobra sa kanilang pangangailangan ang kanilang kinikita? Mabibigo ang optimismo nina Carnegie, Hill at Peale na dati’y paborito kong basahin, sa sistema ng pananalapi na umiiral sa Pilipinas. Dahil mahirap na sumampalataya ka lamang at isiping “makapal tingnan ang damuhan pero malambot ang mga hibla nito.” Hindi naman atityud lamang ang ating problema sa ating bansa. Ang mga nagtatagumpay sa negosyo rito ay galing sa mga angkang may ipagsisimula na: malalawak na lupain, ari-arian, pera sa banko, kung hindi naman ay mga masasandigan at nagtitiwalang kaibigan, koneksyon. Mukhang busy lamang ang mahirap, dahil maraming ginagawa, ngunit isa pa ring tanong kung ang kanyang pagpapagod ay nagiging pera. Karamihan sa kanila’y halos sa utang na lamang napupunta ang kinikita, ni hindi makapagbihis nang maayos, at pagdating ng due date ay muling mangungutang upang may maipambayad. Kung wala nang magpautang, walang maisanla at wala ring maipagbiling ari-arian, iyon ang matatawag na bankruptcy sa pananaw na pangmahirap.

             

Sa usaping teknikal at panlahat, gagamitin ko ang mga salitang maliit at malaki kaysa sa mayaman at mahirap, bilang pagkakategorya. Kabilang sa maliliit ang mula sa gitnang uri pababa, at malalaki naman ang mula sa mataas na gitnang uri pataas. Dalawa lamang naman talaga dapat ang hati, sa palagay ko, sapagkat ang tinatawag na “middle class” ay itinuturing din ang sarili na mahirap. Bagama’t scientific ay nagiging pulitikal ang paggamit ng mga uring A, B, C, D at E. Parang intensyon nitong ihiwalay ang gitnang uri, na hindi naman kagaya ng middle class sa mauunlad na bansa, para paliitin ang bilang ng mga mahihirap, para masabing hindi pa ganoon kalala ang problema. Samantalang ang totoo’y sampung porsyento lamang ng populasyon ang nakakariwasa, na ibig sabihi’y isang nakakagulantang na mayorya ang uring maliliit.

 

Hindi ba’t itinuturing na liquidity ang kakayahang magpasok at maglabas ng pera sa isang propetaryo? Kung gayon, ang pera bilang isang “likido” ay maaaring padaluyin sa kung saan—sa lahat o sa iilan, o kaya’y kulungin. Iilan lamang talaga ang nakikinabang sa sistemang pang-ekonomiya na umiiral sa bansa. Ang hinala ko’y sistematikong nakokontrol ng malalaki ang daloy ng pera, sa pamamagitan ng mga kauri nilang nakapuwesto sa gobyerno na gumagawa at nagpapatupad ng mga batas sa pananalapi, alinman sa mag-umapaw sa pagdaloy sa maliit nilang sirkulo, o mapigilan ang sirkulasyon upang gipitin ang ekonomiya para sa ibang layunin, habang uhaw na uhaw na naghihintay ang maliliit na winiwisikan lamang ng kaunting barya para sa kanilang serbisyo. Kung paniniwalaan ang mga komunista, maaaring isa ngang agarang alternatibo ang kanilang sinasabi tungkol sa matimbang na posisyon ng paggawa at ng kapital. Subalit sa isang gobyernong napapangibabawan ng uring malalaki, na siyempre’y sumasalungat sa panukalang ito, madaling pulitikahin ang isyu; at sa halip na ang mga katulad nito’y maging isang gawaing intelektwal at makabayan, ay nagiging ideolohikal, at maaari pa ngang terorismo na mabuting sangkap sa mga talumpati ng Pangulo tungkol sa mga banta sa demokrasya. Noon pa man ay mukhang talunan na ang Komunismo sa Pilipinas, at tila iilan na lamang ang tagasunod nito sa mundo, kung totoo ang nasasagap natin sa bali-balita. Maging ang karamihan sa atin na may mga pamamaraan pa, kung tatanungin mo isa-isa, ay hindi sasama. Dahil bagama’t ang mayorya ay maliliit, ang mayorya rin ay relihiyoso, sabihin pang Kristyano, na naturuang pasanin ang sariling krus at bakahin ang sanlibutan. Isang factor ito na dapat isaalang-alang. Ang Rusya, gayunman, ay isang Katoliko at Hudyong nasyon bago ito lumuhod sa Marxismo. Sa ngayon, sa Pilipinas, mas madali pa sa maliliit ang makisama sa malalaki na indirektang umaapi sa kanila, dahil tutal, nasagot na sa kanilang relihiyon kung paano iyon pakikitunguhan at kung paanong, sa wakas, ay gagapiin ni Yahweh, kaysa sa isang ideolohiyang nakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay, ngunit walang Diyos na maaari nilang isakripisyo—huwag lamang mabuwis ang sarili nilang mga buhay.

             

(karugtong...)

Literary Arts Division, 4th Flr., Cultural Center of the Philippines, Roxas Blvd., Pasay City 1300 Philippines
Tel. No. 832-1125 loc. 1706, 1707